MAS MABABANG PRESYO ANG RESULTA NG BIDDING

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

ALAM naman na siguro nating lahat na nagsasagawa ng mga bidding para makakuha ng pinakaayos na alok o proposal. Ganito rin ang konsepto nitong tinatawag na Competitive Selection Process (CSP) para sa kakailanganing suplay ng mga distribyutor ng kuryente sa bansa.

Kamakailan kasi, mayroong mga bumabatikos dito sa ginagawang CSP na patakaran naman ng pamahalaan dahil nga kailangang maprotektahan ang mga konsyumer sa mas mataas na singil sa kuryente.

Kaya itong patakarang ito, hindi lang kailangan suportahan kundi kailangan ding unawain dahil minsan, kung anu-ano ang mga sinasabi na pangkontra sa mga ganitong proseso na hindi naman malinaw ang argumento.

Una sa lahat, bukas sa lahat at transparent ang bidding para sa suplay ng kuryente. Basta kwalipikado ang generation company o supplier sa partikular na kakailanganing suplay, pwedeng-pwede silang sumali. Bukod pa diyan, kahit mga konsyumer, pwede ring sumubaybay at mapapanood pa ito online dahil naka-livestream ang mga bidding – patunay na wala kang maitatago sa ganitong proseso.

Isa ang Meralco sa maraming distribyutor at kooperatiba ng kuryente na nagsasagawa ng CSP, alinsunod na rin sa idineklara nitong plano na tinatawag na Power Supply Procurement Plan (PSPP) sa Department of Energy o DOE.

Bukod sa inaaprubahan ng DOE ang mga ipinapasang PSPP, ultimo ang Terms of Reference (TOR) ng mga ginagawang CSP ay dumadaan rin sa ahensya para nga masigurong nakaayon ito sa PSPP at sa mga polisiya ng pamahalaan.

Layunin ng mga aprubadong TOR na patas o mayroong level playing field para sa lahat ng kumpanya at supplier na sasali sa bidding. Hindi maaaring magkaroon ng preferential treatment at ang talagang mananalo ay kung sino ang nag-alok ng pinakamababang presyo.

Sinisiguro ng Meralco na sa kabila ng walang basehang alegasyon, walang hidden charges sa mga isinasagawa nitong bidding. Gayundin, ultimo ang kontrata na resulta ng mga bidding na ito ay daraan pa sa masusing rebyu at pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Wala nang mas lilinaw pa sa prosesong ito, na nagbibigay ng napakaraming oportunidad hindi lamang sa mga nagnanais mag-suplay ng kuryente, kundi pati na rin sa mga konsyumer at sa publiko na nais maunawaan at makibahagi sa proseso ng pangongontrata ng pinakamurang suplay ng kuryente.

Kaya mapakakamot ka talaga ng ulo rito sa mga kung ano-anong alegasyon ang sinasabi. Meralco na mismo ang nagsabi na kahit na sinong kumpanya, pwedeng mag-alok basta’t sumusunod o compliant ang offer. Dahil siyempre, ang mandato ng Meralco, makakukuha ng suplay sa pinakamurang halaga – para na rin sa mga konsyumer mismo.

May mga nagtutulak pa na kailangan daw paboran ang indigenous na pagkukunan ng suplay – dahil mas makakamura raw ang konsyumer dito. Siyempre, dahil malinaw ang CSP, siguradong ang pinakamura, ‘yan ang mananalo.

Pero kung halimbawang ang tinatawag nga na indigenous sources ang mas mahal, hindi naman pwedeng igawad ng Meralco ang kontrata diyan dahil salungat ito sa madato at sa layunin mismo ng bidding.

Ito ngang katatapos lamang na CSP ng Meralco para sa 1,200-MW na baseload na suplay, ibinigay ng Meralco sa pinakamababang alok na nasa P7 kada kilowatt-hour. Kitang-kita na mas mababa ‘yan kaysa mahigit P8 kada kilowatt-hour na inialok ng isang supplier na gumagamit ng indigenous natural gas.

Tama lang ‘yan, dahil kung ibibigay ang kontrata sa mas mahal – hindi lang Meralco ang malalagot, kundi mismong mga konsyumer.

Mismong ang ERC na rin ang nagkumpirma na sumunod sa legal at tamang proseso ang CSP, dahil matapos nitong suriin ang kontrata, binigyan na rin ito ng regulator ng tinatawag na provisional approval.

Kaya para sa mga susunod na kakailanganing suplay ng Meralco, mayroon pang mga gagawing CSP. At kung talagang makakamura tayo sa mga planta na gumagamit ng indigenous sources, dapat talaga silang magpasa ng bid para naman makinabang ang mga konsyumer dito.

68

Related posts

Leave a Comment