MASALIMUOT NA PAKSA ANG KASARIAN

GEN Z

ISANG insidente na nakuhanan ng litrato, ang umikot sa social media matapos ang isang customer na miyembro ng LGBTQ community, ay lumikha ng isang “parade rest” matapos patayuin nang halos dalawang oras ang service crew ng establishment dahil sa pagtawag sa kanya nito ng “Sir.”

Mahaba ang post ni John Calderon sa kanyang Facebook page na naglalarawan sa insidente sa isang restaurant sa loob ng Cebu mall.

Ayon sa kanyang post, humigit-kumulang isang oras at 49 minuto na nakatayo ang isang server sa harap ng customer na si Jude Bacalso. Kasama sa post ni John ang mga larawan ni Bacalso, isang manunulat, dating TV personality, host sa Cebu, at isang proud member ng LGBTQIA community. Si Bacalso ang tinutukoy ni Calderon na customer na nagpatayo ng server sa restaurant.

Sinabi ni Jude Bacalso na hindi siya kailanman nag-demand, gayon pa man, hinayaan niya lang tumayo ang server habang nag-uusap sila. Maaari niya itong gawin nang pribado kung saan nandiyan ang supervisor para tumugon sa kanyang isyu.

Ang gender sensitivity lecture ay hindi bahagi ng pagsasanay o oryentasyon para sa isang trabaho dahil hindi ito ipinag-uutos sa ating labor code, kung hindi ako nagkakamali.

Ang pagtawag kay Bacalso bilang “Sir” ay isang paraan ng paggalang sa kanya. Maging siya ay nagsabi na ang kanyang mga estudyante at ilang miyembro ng kanyang pamilya ay tinatawag siyang “Sir” ngunit hinahayaan niya ang mga ito. Kung gayun, bakit hindi niya pinalampas o pinagkibit-balikat ang isyung ito? Simple lang, posibleng dahil server lang ang kaharap niya at sa tingin niya ay madali itong ma-power trip o takutin. Hindi ko maisip ang kahihiyan at trauma na naidulot nito sa server na nagkamali.

Ang tanong ko lang, bakit patuloy na nakatayo ang isang empleyado sa harap ng isang customer sa isang partikular na sitwasyon kung nasa oras pa siya ng trabaho? Ano iyon, tumayo ang server sa gilid o harapan niya sa loob ng dalawang oras at hindi man lang siya nag-abalang itanong ang dahilan? Hinayaan niya lang?

Sinabi ni Bacalso sa isang post na ito ay isang honest mistake at hindi niya sinabi na manatili ang server. Talaga nga ba? Kasi base sa litrato na kuha, tila ang kanyang layunin ay siraan at hiyain ang server. Paano rin ang manager o may-ari ng restaurant na sinabi ni Bacalso na kilala niya, pinanonood lang ba nila ang kanilang empleyado na nakatayo doon? May ginawa ba silang aksyon para manghimasok? O baka dahil mabuting kaibigan ng may-ari si Bacalso kaya pinayagan siyang gumawa ng ganoong aksyon?

Dapat sana ay magalang na hiniling ni Jude Bacalso na tugunan siya sa ibang paraan sa halip ay piniling kagalitan ang server. Ang industriya ng serbisyo ay hindi madali at hindi naman sobrang taas ang bayad dito.

Totoong masalimuot na paksa ang usapin sa kasarian ngunit hindi naman ito dahilan para mamahiya, maging service crew man ang pinatutungkulan.

72

Related posts

Leave a Comment