RAKET NI ALYAS ‘BRYAN’ SA CHINESE NAT’LS SAPUL SA POGO BAN

PUNA ni JOEL O. AMONGO

APEKTADO ang raket ng grupo ni alyas “Bryan” sa deklarasyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of Nation Address (SoNA) kamakailan, na pagpapatigil sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Ang kliyente kasing Chinese nationals ng grupo ni alyas “Bryan” na dumaraan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ay sa POGO nagpupunta.

Nauna nang isiniwalat natin sa ating panulat na isang alyas “B’yaran” o “Bryan” ang nasa likod ng pagdami ng Chinese nationals na nagtatrabaho sa mga POGO sa iba’t ibang mga lugar sa bansa.

Sinisingil umano ng grupo ni alyas “Bryan” ang kanilang bawat kliyenteng Tsekwa ng P20K para makapasok sa Pinas at makapagtrabaho sila sa POGO.

Hindi lang umano sa NAIA pinapapasok ang mga dayuhang Tsekwa ng grupo ni alyas “Bryan” kundi maging sa Cagayan Valley Airport.

Batay sa ating nakuhang info, si alyas “Bryan” daw ay malakas sa kanyang bossing sa Bureau of Immigration (BI) kaya nagagawa nito ang lahat ng kanyang gustong gawin kahit na maging ilegal tulad ng pagpapasok nito ng mga dayuhang Tsekwa.

Nauna nang naging mainit ang imbestigasyon ng Senado sa isyu ng pamamayagpag ng mga POGO sa bansa dahil sa mga krimen na nangyayari dito.

Nagisa sa isyung ito hanggang sa nasuspinde si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pang mga personalidad sa sinalakay na POGOs sa Bamban at sa Porac, Pampanga.

Kaya sa pahayag ni PBBM sa SONA kamakailan, na pagpapatigil ng POGO, ay apektado ang grupo ni alyas “Bryan”.

Hindi man tuluyan na mawala ang raket ng grupo ni alyas “Bryan” ay nabawasan ang kanilang mga kliyente dahil marami sa mga ito ay pawang Chinese nationals.

Iisa-isahin umanong patitigilin ng gobyerno ang operasyon ng POGO sa buong bansa maging legal man ito o ilegal na nag-o-operate, hanggang sa katapusan ng taong ito (2024).

May mga nagsabi naman sa atin na kung kaya naman pala ipatigil ni PBBM ang POGO operations sa buong bansa, bakit hindi raw kaya nitong ipababa ang presyo ng pangunahing mga bilihin?

Matapos kasi na manalo si PBBM sa pagkapangulo noong May 2022 presidential elections ay nagtuloy-tuloy na ang pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin sa buong bansa.

Ayon sa mga nakausap natin, hindi na sila makahinga sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin pati na ang mga serbisyo.

Imbes na serbisyo o paglilingkod sa taumbayan ang ginagawa ng mga empleyado at opisyal ng gobyerno na tulad ni alyas “Bryan” o “B’yaran”, ay puro para sa bulsa ng mga ito ang kanilang pinagkakaabalahan.

Ayon sa natanggap nating impormasyon, mabawasan man daw ang Chinese nationals na magtutungo sa bansa dahil sa pagpapasara sa mga POGO, ay mayroon pa naman daw ibang dayuhan na magiging kliyente pa rin ang grupo ni alyas “Bryan”. Kaya tuloy ang kanilang pamamayagpag.

oOo

Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0916-528-8796.

68

Related posts

Leave a Comment