ONLINE O E-SABONG PINATITIGIL

NA-PUNA na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pagdami ng Online o E-Sabong ngayong Covid-19 pandemic.

Kaya naman nag-react na ang PCSO at hiningi na nila ang tulong ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) laban sa nasabing sugal.

Pinaaksyunan ni PCSO ­General Manager Royina Garma sa PNP at NBI ang nagsulputang e-sabong dahil wala umanong mga permit ang mga ito.

Ibig sabihin ilegal ang sugal na ito, kaya naman dapat lang na mag-react ang PCSO.

Napupunta kasi sa iilang tao ang kinikita ng online sabong kaya marapat lang ipatigil ito ng mga awtoridad.

Kailangan mahubaran din ng maskara kung sinoman ang nasa likod nito. Hindi kasi maglalakas ng loob ang mga gumagawa nito kung wala silang padrino na nasa likod nila.

Pumatok ang sugal na ito sa panahon ngayon na may p­andemya dahil karamihan ng mga tao ay online rin ang halos lahat ng mga transaksyon.

Bilyun-bilyong piso na umano ang kinita ng tinaguriang e-sabong na ito nitong nakalipas na 2020.

Sinamantala ng mga taong nasa likod nito ang pagiging abala ng mga awtoridad sa pagharap sa paglaban ng COVID-19 pandemic.

At sa pagpapatupad ng health protocols para hindi na lumalala pa ang pagkalat ng virus sa mga tao.

Kung gaano kaabala ang mga awtoridad sa kanilang ­pagpapatupad ng mga health protocols ay ganun din ka-busy ang mga nasa likod ng Online Sabong na ito para sa kanilang ilegal na patupada.

Ang nangyayari tuloy ay nagiging kumpitensiya pa sila ng PCSO gayung sa PCSO ay may malaking pakinabang ang taumbayan dito.

Hindi naman lingid sa kaalaman nating lahat na maraming mga ordinaryong mamamayan ang nakikinabang sa PCSO sa pamamagitan ng mga cash assistance nila sa mga nangangailangan.

Lalo na sa mga pasyenteng may cancer na nagda-dialysis at sa relief operations ng ibat-ibang ahenisya ng gobyerno, malaki ang naitutulong ng PCSO.

Kailangan talaga ang katulad nitong Online Sabong o E-Sabong na ilegal ay nakokontrol ng ­gobyerno.

Upang hindi masayang ang kinikita nito at napupunta lamang sa iilang bulsa ng mga nasa likod nito.

Kailangan hindi maging ­ningas kugon ang paglaban ng mga awtoridad laban dito.

Baka kasi ang mangyari dito ay matulad lang sa jueteng na hanggang ngayon ay hindi masawata.

Kailangan ang kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na sugal ay “honest to goodness” nang hindi sila napupuluaan ng taumbayan.

Kadalasan kasi ang nangyayari huhulihin ngayon, kinabukasan o sa susunod na mga araw ayan na naman muling may makikita na meron na naman operasyon.

Kung magkaroon man ng ganyan klaseng Online o E-Sabong ay dapat nasa ilalim ng pamahalaan.

Nang sa ganun ay may pakinabang ang taumbayan sa kanila.

Anak kayo ng jueteng!

Hala sige, hulihin ang mga nasa likod niyan!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

58

Related posts

Leave a Comment