PAGKONTROL SA KONSUMO KAHIT BUMABA ANG SINGIL SA KURYENTE

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

LAMAN ng balita nitong weekend ang pag-anunsyo ng Meralco na magkakaroon ng 36 centavos kada kWh na bawas-singil sa kuryente ngayong buwan. At bagama’t magandang balita ito lalo na’t may nakaambang malaking pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, kapansin-pansing negatibo pa rin ang naging pagtanggap ng ilang media sa pagbaba ng singil.

Hindi rin naman natin masisisi kung ang case study na ginagamit sa news item ay nagrereklamo na hindi nila mararamdaman kahit bumaba ang singil sa kuryente. Kasi nga naman, nagtataasan din ang presyo ng mga bilihin at hindi katulad ng pagkain, hindi mo naman nahahawakan ang kuryente.

Alam nating mahalaga ‘yan sa araw-araw nating pamumuhay, pero ang kuryente ay isang bagay na kapag nandyan, wala naman tayong pakialam, at kapag nawala naman ay todo reklamo natin. ‘Yan naman talaga ang reyalidad. Tinatawag nga natin itong “grudge expense” dahil sinasabi natin na wala naman tayong choice kundi bayaran.

Malaki ang papel na ginagampanan ng media, kasama na ang mga maimpluwensyang personalidad sa social media, sa pagtulong na mas maunawaan ng mga tao ang konteksto ng pagtaas at pagbaba ng singil, at mabigyan sila ng tamang kaalaman at impormasyon na makatutulong para ma-manage o makontrol ng mga tao ang kanilang bayarin.

Mayroon naman kasi talagang magagawa, at kailangan lang ulit-ulitin para talagang tumatak sa isip ng mga tao.

Magandang sundan at maging bahagi ng mga grupo sa social media na ang layunin ay hindi lamang basta magkaroon ng paraan para makapagreklamo at maglabas ng galit, kundi para makapagbigay ng solusyong makatutulong talaga

Bukod sa buwanang paggalaw sa singil sa kuryente na inaanunsyo ng mga distribyutor ng kuryente kagaya ng Meralco, isa sa nagiging basehan ng buwanang bayarin nating lahat ay ang konsumo nito. At pagdating dito, mayroon tayong magagawa.

Nariyan nang usapin talaga na malaki ang bayarin sa kuryente. Dito kasi sa Pilipinas, walang subsidiya sa kuryente hindi katulad ng ibang bansa kagaya ng Thailand at Malaysia

Kumbaga ang bayarin natin, ito talaga ang totoong presyo ng kuryente na mahal dahil sa maraming factor na para sa isang ordinaryong tao, hindi naman mahalaga. Sa bandang huli, may pakialam lang naman tayo kung magkano ang babayaran, hindi ba?

Sa kabila ng mga teknikal na aspeto at paliwanag kung bakit ganito ang singil ng kuryente sa Pilipinas, mahalagang isaisip din nating lahat na may magagawa tayo para makontrol ang ating bayarin.

Simple pero totoong dapat mulat at masinop tayo sa paggamit ng mga de-kuryenteng kagamitan. Nakababawas sa konsumo ang simpleng pagsasanay ng pagpatay ng ilaw kapag hindi ginagamit, o pagtanggal ng mga appliances sa saksakan kapag hindi ginagamit.

Mahalaga rin ang paggamit ng mga energy-efficient na appliances. Bagama’t maaaring mas mataas ang paunang gastos sa pagbili ng mga ganitong kagamitan, mas nakatitipid naman talaga ito pagtagal ng panahon. Naranasan ko talaga ito nang palitan ko ang aming lumang aircon ng inverter.

Importanteng panatilihing malinis ang mga appliances at gawing regular ang maintenance para masigurong maayos ang takbo ng mga gamit.

Kung may panahon, maaari ring kumonsulta ang mga konsyumer sa mga distribyutor ng kuryente at iba pang kumpanya para malaman kung may mga programa silang makatutulong pa para mas makatipid.

Maaaring magsagawa ng energy audit na nagbibigay ng detalyadong impormasyon kung saan malakas kumonsumo ng kuryente ang tahanan o negosyo, at nagbibigay ng mga mungkahi kung paano ito mababawasan. May tinatawag din na “time-of-use” rates kung saan mas mahal ang kuryente sa mga oras na mataas ang demand. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga appliances sa labas ng mga oras na ito, maaaring makapagtipid ang mga konsyumer.

Makatutulong talaga ang disiplina sa paggamit ng kuryente sa bayarin buwan-buwan. Kailangan lang natin ng tamang impormasyon at solution-oriented na pag-iisip para naman kahit papaano, mas maunawaan natin at makatulong din tayo sa pagbibigay ng kaalaman sa ating mga kakilala, kaibigan at kapamilya.

34

Related posts

Leave a Comment