PANAGUTIN LTO, BOC SA PAGKAKAROON NG PLAKA NG 2 SMUGGLED SPORTS CARS

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI dapat matapos lang ang kaso sa pagkumpiska ng gobyerno sa dalawang smuggled sports cars kundi kailangang may managot sa Land Transportation Office (LTO) at Bureau of Customs (BOC) sa pagkakarehistro ng mga ito.

Na-PUNA natin na nakarehistro na pala ang dalawang mamahaling sasakyan na ito sa LTO. Paano natin nasabi na nakarehistro ito? Ito ay dahil may mga plaka na ang mga ito.

Ang Blue Bugatti ay mayroon nang plate no. NIM-5448, samantala ang Blue Bugatti ay mayroon nang plate no. NIM-5450.

Ang Blue sports car na may plate no. NIM 5448 na P165 million ang halaga, ay isinuko sa mga ahente ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa Muntinlupa City kamakailan.

Unang isinuko naman noong Pebrero 9, 2024 ang Red Bugatti Chiron sports car na nagkakahalaga rin ng P165 million, at nakarehistro sa isang Menguin Zhu.

Ang pulang Bugatti Chiron sports car na may plate no. NIM-5450 at nagkakahalaga ng P165 milyong, ay nakarehistro sa isang Menguin Zhu.

Nakarehistro naman sa isang Thu Trang Nguyen ang Blue sports car na may plate number na NIM 5448 na may halaga ring P165 million.

Sa pagkakaalam ng PUNA, hindi mairerehistro ang dalawang sports cars na ito sa LTO kung walang mga dokumentong iniisyu ang BOC, dahil ito ay pawang mga imported.

Maliban na lamang kung binagsakan mismo ng malaking halaga ng pera nina Menguin Zhu at Thu Trang Nguyen na nagmamay-ari ng mga Bugatti na ito, ang nagpoproseso ng rehistro sa LTO.

At hindi maaaring magawa ‘yan ng isang tao lang dahil maraming opisyal ng LTO ang pinagdadaanan ng rehistro ng sasakyan para pirmahan bago ito mailalabas sa kanilang tanggapan.

Kaya dapat matukoy at maparusahan kung sinomang mga tao sa BOC at LTO ang responsable sa pagkakarehistro ng dalawang smuggled cars na ito.

Dapat bago mairehistro sa LTO ang imported na sasakyan, lalo na kung mga mamahalin ito, ay clear na sa BOC at nagbayad ito ng duties and taxes.

Ang dalawang tanggapan na ito ay kasama sa tinaguriang mga korap na opisina ng gobyerno.

Hindi dapat pinalalagpas ang ganitong mga gawain dahil kung hindi sila maparurusahan ay magiging paulit-ulit na lang ‘yan. Kailangang magkaroon ng leksyon upang hindi sila pamarisan ng iba.

Masama na nga ang imahe ng inyong mga opisina ay pinalala n’yo pa, ano ba naman kayo?

Kahit itago n’yo ay lalabas at lalabas ang mga baho ninyo!

Na-PUNA rin natin na nakarehistro ang dalawang Bugatti sa pawang mga dayuhan kaya nagdududa ang ating mga tagasubaybay na may mga kumita rito.

oOo

Para sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

125

Related posts

Leave a Comment