SERBISYO NG KURYENTE MAKATUTULONG SA PAG-UNLAD NG BANSA

THINKING ALOUD

PARA makamit ang sustainable at inclusive na paglago ng ekonomiya at pag-unlad ng bansa, napakahalagang masiguro na mayroong access ang lahat sa pangunahing serbisyo kagaya ng malinis na tubig, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, tirahan at kuryente.

Kadalasan bahagi ang mga ito sa isinusulong na socio-economic agenda ng pamahalaan. Nitong nakaraang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, ipinangako niya na makakamit ang 100% electrification sa bansa bago matapos ang kanyang termino sa 2028.

Ayon sa datos ng World Bank, nasa 97.5% na mga Pilipino na ang may access sa kuryente noong 2021. Totoong kakaunti na lamang ang natitira, pero marami pang kailangan gawin para maabot ang kabuuan ng bansa.

Sa Metro Manila at ilang karatig probinsya, Meralco ang may mandato na magbigay ng maayos at maaasahang serbisyo ng kuryente. Sa ibang lugar, mayroon namang ibang pribadong distribyutor ng kuryente at mga kooperatiba. Sa kabila nito, mayroon pa ring mga malalayo at liblib na lugar sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas ang ‘di pa naabot ng serbisyo ng kuryente.

Kahit sa mga lugar na ‘di sakop ng prangkisa ng Meralco, nagsusumikap ang kumpanya sa pamamagitan ng One Meralco Foundation (OMF), na magbigay ng pag-asa at liwanag sa mas marami pang Pilipino.

Para sa OMF, mahalagang sustainable ang mga proyekto para talagang makatulong sa pagpapabuti ng estado ng kabuhayan ng mga benepisyaryo. Kaya nga isa sa mga tinutulungan ng OMF ang livelihood groups, kagaya na lamang ng Laak Multipurpose Cooperative (LAMPCO), na isang kooperatiba ng mga magsasaka sa Laak, Davao de Oro.

Mayroong gilingan ng palay ang LAMPCO na sa kasamaang palad ay nasalanta ng bagyo noong 2012 kaya nawalan sila ng serbisyo ng kuryente at naapektuhan ang kanilang operasyon. Naging magandang oportunidad ito para tumulong ang OMF sa pamamagitan ng paglalagay ng solar photovoltaic system sa pasilidad ng kooperatiba.

Mula sa dating 30 na sako na bigas, tumaas sa 100 sako ang produksyon ng gilingan ng palay kada araw. Dahil dito, nagkaroon ng karagdagang kapital ang mga magsasaka sa lugar dahil nasa humigit kumulang P2,000 kada sako ang kanilang kinikita. Bukod sa pagpapalakas ng operasyong pangkabuhayan ng LAMPCO, malaking tulong din ang inisyatiba ng OMF sa pagpapatatag ng kooperatiba.

Mayroon ding ripple effect sa iba pang miyembro ng komunidad ang proyektong ito. Ayon kay LAMPCO General Manager Edesa Morantes, ibinabahagi nila sa kanilang komunidad ang mga benepisyong nakukuha ng kooperatiba.

Isa lamang ang LAMPCO sa natulungan ng OMF na grupong nasa malayong lugar na kung minsan ay ‘di inaabot ng tulong. Nakikinabang na rin sa mga benepisyo ng livelihood electrification program ng OMF ang Lundag Eskaya Tribe sa Pilar, Bohol na umaasa sa kamote bilang kanilang pangunahing produktong pang-agrikultura.

Ito rin naman ang layunin talaga ng OM. Ayon sa Presidente nitong si Jeffrey Tarayao, napatunayan ng OMF na ang pagkakaroon ng serbisyo ng kuryente ay isang mabisang paraan para mabigyan din ng pagkakataon ang mga kapwa natin Pilipino na nakatira sa malalayo at liblib na mga lugar, na makatulong sa pagpapaunlad hindi lamang ng kanilang komunidad kundi pati ng bansa.

Ang pagtutulungan ng mga organisasyong gaya ng OMF, mga sangay ng pamahalaan, mga komunidad, at mga miyembro ng pribadong sektor ay mahalaga para makamit ang 100% electrification target at masiguro na maliwanag din ang bukas para sa mga unserved at underserved na mga lugar sa Pilipinas.

250

Related posts

Leave a Comment