WATER CRISIS, ‘DI DAPAT MAULIT – QC SOLON

TARGET NI KA REX CAYANONG

NAKU, magkakaroon na naman daw ng krisis ng tubig sa Pilipinas.

Kung maaalala, nagkaroon na nito noong 2019. Ngayong 2023, nakaamba na naman daw ang parehong krisis, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sinasabing ito ang matinding digmaan na kahaharapin ng mga Pinoy sa hinaharap.

Nakapangangamba ang babala tungkol sa krisis sa tubig. Isipin n’yo na lang, baka wala na raw tayong mainom, maipanghugas, maipangligo at maipandilig man lang ng halaman.

Kaya naman, pinaghahanda na ni Quezon City Rep. Marvin Rillo ang dalawang major water concessionaires sa bansa upang hindi na maulit ang sinapit na water crisis.

Paalala ng House Committee on Metro Manila Development Vice Chair, dapat daw maaga pa lamang ay makapaghanda na ang Maynilad at Manila Water sa worst-case scenario sa oras na tumama ang El Niño.

Aniya, noong 2019 nang tumama ang full-blown El Niño ay bumagsak sa record low ang tubig sa Angat Dam na siyang nagsusuplay ng 90% ng tubig sa Metro Manila. Ito ang naging dahilan upang mawalan ng suplay, hindi lang ang National Capital Region (NCR), kundi pati ang mga kalapit-probinsya.

Sinabi ni Rillo na bagama’t inaasahan na hindi gaanong malakas o matindi ang epekto ng El Niño ay posible pa ring magkulang ang tubig bunga ng lumalaking demand dito.

Una nang ibinabala ng PAGASA na inaasahan na raw ang pag-iral ng El Niño sa mga panahon ng Hulyo hanggang Setyembre ngayong taon. Aba’y posibleng magtagal pa raw ito ng hanggang 2024.

Para maiwasang masira ang mga pinagkukunan ng tubig, aba’y mahalaga ang mabisang pagpapatupad sa mga batas na may kinalaman dito.

Isulong din sana ang pagtatanim ng mga puno para hindi matuyuan ang mga ilog at bukal habang bantayan din ang mga lugar para hindi mapinsala.

117

Related posts

Leave a Comment