Ospital sa Laguna umaapaw sa dami ng pasyente 8 PATAY HABANG NAKAPILA

ABOT-TANAW man ang pasilidad kung saan pwedeng malunasan ang karamdaman, hindi na nakuha pang maghintay ng walo kataong namatay habang nasa parking area ng isang ospital kung saan nakapila ang iba pang dumaranas ng sintomas ng nakahahawang sakit.

Pagtatapat ni Dr. Melbril Alonte, medical director ng Ospital ng Biñan, hindi na nila nagawa pang isalba ang buhay ng walo kataong kinailangan pang pumila sa parking area ng nasabing pagamutan dahil aniya sa dami ng kanilang pasyente.

Sa kanyang paglalarawan, umaapaw na sa dami ang kanilang kinakalingang COVID-19 patients mula pa noong nakaraang linggo at patuloy pang dumarami sa bawat araw na lumilipas.

“Masakit pong sabihin pero ‘yun po ang katotohanan. Kahapon po at nung makalawa ay 4 po sa isang araw ang namamatay,” ani Alonte sa isang panayam.

Bagamat aminadong pawang nasa kritikal na kundisyon na ang mga pumanaw, wala aniya silang magawa dahil bukod sa puno na talaga ang kanilang ospital ay kapos na din sila sa mga healthcare workers.

Dagdag pa ni Alonte, marami na din sa kanilang hanay ang tinamaan ng karamdaman nitong mga nakaraang linggo. Ito din ang dahilan kung bakit paulit-ulit na silang humihingi sa Department of Health ng karagdagang doktor at nars sa kanilang pasilidad.

“Pagod na pagod na po mga kasamahan kong doktor at nurses dito sa Ospital ng Biñan. Ganunpaman, hindi po kami susuko. Magdadagdag kung kinakailangan para matugunan ang pangangailangan ng mga pasyente,” saad ni Alonte sa isang panayam sa telebisyon nito lamang Sabado.

Aniya, bagamat mayroon lamang silang 50-bed capacity, ginawa pa din nilang magdagdag ng kapasidad na agad ding napuno sa dami ng dumarating na pasyente mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan ng Laguna.

Ang parking area kung saan binawian ng buhay ang walo katao ay puno na din ng mga modular tents kung saan nakapila ang iba pang mga pasyente.

Sa pinakahuling bilang, mayroon pang 30 kataong nakapila para ma-admit sa nasabing pagamutan.

Nakatakda namang makipagpulong ang pamunuan ng Ospital sa mga opisyal ng DOH upang matugunan ang kakulangan sa mga doctor at nars sa nasabing pagamutang bayan.

Nanatili namang nasa ilalim ng mas pinahigpit na enhanced community quarantine ang buong Laguna dahil sa dami ng mga bagong talang kaso ng COVID-19 infections.

Sa pinakahuling tala, mayroon nang kabuuang 5,401 kaso ng COVID-19 sa lalawigan. Nasa 140 na din ang pumanaw dahil sa nakakahawang sakit, samantalang mayroon pang natitirang 396 active cases ang patuloy na ginagamot sa iba’t ibang healthcare facilities sa Laguna. (CYRILL QUILO)

458

Related posts

Leave a Comment