CAVITE – Halos umabot sa P700,000 halaga ng umano’y shabu, at isang baril ang nasamsam makaraang madakip ang limang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa lalawigan.
Kinilala ang arestadong mga suspek na sina alyas “Tiririt”, “Bernardo”, “Don”, “Felipe” at “Melanie”, pawang nasa listahan ng high value individuals ng pulisya.
Ayon sa ulat, bandang alas-10:50 ng gabi, nagsagawa ng buy-bust operation ang Intelligence Drug Enforcement Unit ng Dasmariñas Component City Police Station sa Brgy. San Francisco 1, Dasmariñas City na nagresulta sa pagkakaaresto kay Tiririt at Bernardo.
Nakuha sa kanilang pag-iingat ang apat na sachet ng shabu na may timbang na 27.80 gramo at may street value na P189, 040.
Sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA), tumitimbang ng 25 gramo na may market value na P170,000 ang nasamsam sa isinagawang buy-bust operation ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Cavite Police Provincial Office, at GMA Police Station, bandang ala-1:30 kahapon ng madaling araw sa Brgy. Poblacion 1, GMA, Cavite at nagresulta sa pagkakaaresto kay Don.
Nakumpiskahan din si Don ng Helwan cal. 9mm pistol at pitong piraso ng bala ng cal. 9mm.
Sa Dasmariñas City, bandang alas-2:50 kahapon ng madaling araw nang maaresto sina Felipe at Melanie sa buy-bust operation ng Drug Enforcement Unit ng Dasmariñas City Police sa Brgy. Sta. Cristina 1, Dasmariñas City.
Nakuha sa dalawa ang 50 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P340,000.
May kabuuang P699,040 halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska mula sa limang mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)
