P110.9M SMUGGLED PRODUCTS NASABAT SA 3 SASAKYANG-PANDAGAT

NASABAT ng mga operatiba ng Philippine Navy Naval Command Western Mindanao (NCWM) ang tatlong sasakyang-pandagat na may kargang hinihinalang puslit na mga sigarilyo sa magkakahiwalay na operasyong pandagat na isinagawa mula Oktubre 9 hanggang 27, 2026.

Ayon sa report na isinumite ng NCWM sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Jose Ambrosio Ezpeleta sa punong himpilan ng Philippine Navy sa Maynila, nasa P110,907,467.20 ang pinagsamang halaga sa pamilihan ng mga sasakyang-pandagat at kanilang mga kontrabando.

Ayon sa NCWM, noong nakalipas na Martes, Oktubre 27, nasabat ng mga operator ng naval special operations ang isang de-makinang bangkang walang marka malapit sa Grande Santa Cruz Island, Lungsod ng Zamboanga.

Sakay nito ang tinatayang 20 hanggang 25 kahon ng mga sigarilyong walang kaukulang dokumento. Tinatayang nagkakahalaga ng P5.51 milyon ang naharang na sasakyang dagat at kargamento nito.

Una rito, naharang ng mga tauhan ng Navy ang M/B Sparrow sa karagatan malapit sa Olutanga, Zamboanga Sibugay, matapos nitong tangkaing umiwas sa mga puwersang pandagat. Natuklasang sakay nito ang tinatayang 300 master case ng iba’t ibang uri ng sigarilyong walang kaukulang dokumento. Tinatayang nagkakahalaga ng P46.52 milyon ang nakumpiskang sasakyang-pandagat at kargamento nito.

Noong Oktubre 9-10, naharang ng mga puwersang pandagat ang M/B Nylanra sa karagatan ng Zamboanga Sibugay. Sakay nito ang tinatayang 400 master cases ng mga sigarilyong walang kaukulang dokumento. Tinatayang nagkakahalaga ng P58.88 milyon ang gamit na sasakyang-dagat sa smuggling operation at kargamento nito.

Dinala ang mga nasabat na sasakyang-pandagat, kargamento, at mga tripulante sa Naval Station Romulo Espaldon para sa dokumentasyon at wastong paglilipat ng kustodiya sa Bureau of Customs–Port of Zamboanga upang maisagawa ang mga kaukulang hakbang.

Tiniyak ni Rear Admiral Constancio Arturo M. Reyes Jr. PN, commander ng NCWM, na sinunod ng Hukbong Dagat sa buong operasyon ang mga itinakdang pamamaraan, gayundin ang paggalang sa mga karapatan at pangangalaga sa kapakanan ng mga tripulante.

Pinuri rin ni RAdm, Reyes ang mga puwersang nagsagawa ng operasyon dahil sa kanilang pagiging mapagmatyag at propesyonalismo.

(JESSE RUIZ)

73

Related posts

Leave a Comment