INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang planong P120-bilyong elevated road project na mag-uugnay sa Balintawak, Quezon City, hanggang Bocaue, Bulacan, upang mapaluwag ang daloy ng trapiko at mabawasan ang oras ng biyahe ng mga motorista.
Inihayag ng Pangulo ang proyekto nitong Huwebes sa pagbubukas ng NLEX-C5 Northlink Segment 8.2 Section 1A sa Valenzuela City.
Ayon kay Pangulong Marcos, pangangasiwaan ng MVP Group ang proyekto sa pakikipag-ugnayan sa San Miguel Corporation (SMC) Group upang mapalawak ang road network at magkaroon ng alternatibong ruta ang mga motorista.
Aniya, hiniling niya sa dalawang grupo na magtulungan upang mapahusay ang daloy ng trapiko at mapabilis ang biyahe ng mga manggagawa at iba pang mananakay.
Inilarawan ng Pangulo ang proyekto bilang mahalagang pamumuhunan na inaasahang makababawas sa gastos sa transportasyon at makapagbibigay ng mas maginhawang paglalakbay sa mga motorista.
(CHRISTIAN DALE)
69 