MAKATITIPID sa gasolina at mas malaking kita ang maiuuwi ng mga drayber ng traysikel sa paggamit ng mga de-kuryenteng traysikel o e-trike, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Bahagi ito ng pagsusulong ng administrasyon sa lokal na pagmamanupaktura ng mga de-kuryenteng sasakyan upang mabawasan ang gastusin sa transportasyon at mapalakas ang industriya ng sasakyan sa bansa.
“Mas mababang gastos sa gasolina, mas malaki ang maiuuwi sa ating mga pamilya,” pahayag ng Pangulo sa pagbisita niya nitong Huwebes sa planta ng Sazgar Philippines Inc. sa Biñan, Laguna.
Ayon kay Pangulong Marcos, kayang bumiyahe ng mga e-trike ng Sazgar nang 100 hanggang 210 kilometro sa isang kargahan ng baterya.
Aniya, karaniwang umaabot sa 90 kilometro kada araw ang biyahe ng mga traysikel sa mga urban area, habang nasa 110 hanggang 120 kilometro naman ang tinatakbo ng mga ito sa mga lalawigan.
Tumatagal naman ng anim hanggang walong oras bago lubusang ma-charge ang baterya ng mga e-trike, dagdag ng Pangulo.
Inaasahang mababawasan sa pamamagitan nito ang pagdepende ng mga drayber sa gasolina, kaya mas malaking bahagi ng kanilang arawang kita ang mailalaan sa pangangailangan ng pamilya.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na kayang mag-assemble ng planta ng Sazgar sa Barangay Mamplasan ng humigit-kumulang 12,000 three-wheeled vehicles kada taon, kabilang ang mga de-kuryente at gumagamit ng gasolina.
Bukod sa pagtitipid ng mga drayber, inaasahan ding lilikha ng mga trabaho ang pamumuhunan at mapalalakas ang lokal na industriya ng sasakyan.
Hinimok din ng Pangulo ang kumpanya na kumuha ng mas maraming piyesa mula sa mga lokal na supplier upang madagdagan ang oportunidad para sa mga negosyong Pilipino at manggagawa.
Makatutulong din aniya ang paggamit ng mga de-kuryenteng sasakyan upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa inaangkat na petrolyo at maisulong ang mas malinis na transportasyon.
Ang Sazgar Philippines, na 60 porsiyentong pag-aari ng mga Pilipino, ang unang manufacturing facility ng kumpanya sa labas ng Pakistan. Inaasahan din itong magsilbing sentro ng produksyon ng Sazgar para sa Timog-Silangang Asya.
Bahagi ang pamumuhunan ng mga pagsisikap ng pamahalaan na maabot ang target na 50 porsiyentong electric vehicle share sa kabuuang bilang ng mga sasakyan sa bansa pagsapit ng 2040, alinsunod sa komprehensibong roadmap para sa industriya ng electric vehicle.
Dumalo rin sa pagbisita sina Transportation Secretary Vince Dizon, Pakistani Ambassador to the Philippines Dr. Asima Rabbani, Sazgar Philippines President Muhammad Fahim, at iba pang opisyal ng pamahalaan at kumpanya.
(CHRISTIAN DALE)
80 