DON’T PANIC

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

PATULOY ang pagsadsad ng piso kontra dolyar, pero huwag daw mabahala ang mga Pilipino.

Kamakalawa, Oktubre 28, nagsara sa P64.025 ang palitan ng piso kontra dolyar.

Mas malakas ito kumpara sa maituturing na pinakamababang antas ng piso sa kasaysayan, P64.17 nitong Martes, Oktubre 27.

Aber, bakit hindi magpa-panic ang mga Pilipino kung ang paglagapak ng piso kontra dolyar ay makaaapekto sa ekonomiya.

Bakit hindi matataranta ang mga Pilipino sa pagsadsad ng piso kung ito ay daan patungo sa posibleng tinatawag na stagflation.

Ang stagflation ay kombinasyon ng mataas na inflation o mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, mababang paglago ng ekonomiya, at tumataas na bilang ng walang trabaho.

Lahat tinatamaan – may hanapbuhay o wala, malaki o mababa ang kita – dahil mahal ang mga bilihin at serbisyo.

Inaaasahang aabot sa 6.1% ang inflation sa bansa ngayong 2026.

Ang patuloy na pagsadsad ng piso kontra dolyar ay nakikitang may epekto sa presyo ng kuryente sa bansa at magtutulak din sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ano na naman kaya ang gagawin ng pamahalaan? Makiusap sa mga kompanya ng petrolyo na utay-utayin ang pagtaas ng presyo upang pagaanin ang epekto nito sa mga konsyumer?

Teka, bakit patuloy ang pagbagsak ng piso kontra dolyar?

Maraming dolyar ang dumarating sa bansa mula sa padala ng mga OFW, ng mga dayuhang pamumuhunan, ng mga turista, BPO at iba pa.

Marami ngang pumapasok pero mas lamang ata ang lumalabas. Nariyan ang pambayad sa utang sa labas ng bansa. Sa madaling sabi, mas marami ang pangangailangan kesa nagdadatingan kaya mas nagmamahal ang dolyar habang naaapi ang piso.

Kailangan din ng bansa ng dolyar para sa importasyon.

Kung inaayos sana ang mga lokal na industriya sa bansa ay mababawasan man lang ang pag-angkat ng mga produkto at makatitipid ang bansa ng dolyar.

Ngayon, abang na muna tayo sa ginagawang hakbang ng gobyerno bilang tugon sa nakababahalang sitwasyon at kondisyon na malamang lalong humirap dahil sa epekto ng “Super El Niño” sa bansa.

Sana nga makabawi ang piso nang kahit konti para kahit paano’y merry tayo sa Pasko.

Sabagay, walang dagdag-presyo sa mga pangunahing bilihin hanggang Disyembre 31, 2026 dahil sapat daw ang suplay ng mga ito, sabi ng DTI.

Kung kakambyo ang pahayag na ito sa mga darating na araw, abangan.

55

Related posts

Leave a Comment