NAKILAHOK ang Naval Forces Eastern Mindanao ng Philippine Navy (NFEM-PN) sa paggunita sa ika-82 anibersaryo ng Labanan sa Surigao Strait (Battle of Surigao Strait) upang parangalan ang mga bayaning nagbuwis ng buhay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Isinagawa ang pangunahing seremonya sa BOSS Memorial Site sa Punta Bilar, Surigao City, na kinabibilangan ng pag-aalay ng mga korona ng bulaklak, 21-gun salute at pagsisindi ng sulo bilang pagpupugay sa mga nasawi sa makasaysayang labanan.
Nakibahagi rin sa paggunita ang mga sasakyang-dagat ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa pamamagitan ng pagpapatunog ng kanilang mga busina at pagsaludo mula sa mga barko.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga panauhin mula sa United States, Australia at Japan, gayundin ng mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan at panlungsod, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at iba pang ahensiya.
Matapos ang seremonya sa Surigao City, nagtungo ang delegasyon sa San Jose, Dinagat Islands, para sa hiwalay na paggunita, kabilang ang pag-aalay ng mga korona ng bulaklak sa karagatan sakay ng BRP Rajah Lakandula (PS-21).
Binigyang-diin ng Philippine Navy ang kahalagahan ng taunang paggunita sa pagpapanatili ng pamana ng kasaysayang pandagat at pagpapalakas ng pagkakaibigan at kooperasyon ng mga bansang nagbigay-pugay sa mga bayaning nasawi sa Labanan sa Surigao Strait.
(JESSE RUIZ)
90 