MAGBIBIGAY ng tig-P25,000 ayuda ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga local bakery upang hindi agad tumaas ang presyo ng tinapay sa gitna ng krisis sa mga sangkap.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ipinatawag niya ang mga panadero upang personal na alamin ang kanilang kalagayan at agad silang matulungan.
Giit ng alkalde, mahalaga ang pandesal bilang simbolo ng almusal ng pamilyang Pilipino—mayaman man o mahirap.
Kapalit ng subsidy, nangako ang mga panaderya na pananatilihing stable ang presyo ng pandesal, pan de lemon, monay at Spanish bread sa loob ng 30 araw.
Ani Isko, layon ng tulong na mabigyan ng “breathing space” ang mga bakery upang hindi agad ipasa sa consumers ang tumataas na gastos.
Bagama’t pansamantala lamang, sinabi ng alkalde na malaking tulong ito habang patuloy ang epekto ng pandaigdigang krisis.
Nakikipag-ugnayan na rin siya sa Department of Energy (DOE) kaugnay ng panawagan ng mga panadero na magkaroon ng sapat na suplay ng LPG kung sakaling magkaroon ng shortage.
Nagpasalamat naman si Asosasyon ng Panaderong Pilipino (APP) president Chito Chavez, sabay sabing “makasaysayan” ang hakbang ng Manila LGU.
(JOCELYN DOMENDEN)
74 