IGINIIT ni Senate President Chiz Escudero na karapatan ng pamilya Duterte na kumandidato sa anomang posisyon sa susunod na halalan habang karapatan din ng mga Pilipino na pumili at piliin ang nais nilang manilbihan sa anomang pwesto sa pamahalaan.
Ang pahayag ni Escudero ay kasunod ng deklarasyon ni Vice President Sara Duterte na tatakbo bilang senador sa 2025 midterm elections ang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga kapatid na sina Congressman Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte.
Ayon kay Escudero, bagamat hudyat ito na simula na ang pulitika at pamumulitika sa ating bansa kaugnay ng halalan sa susunod na taon, pero matagal pa anya ang huling araw ng filing ng certificate of candidacy at marami pang pwedeng mangyari tulad ng nasaksihan natin sa mga nakalipas na halalan.
Matatandaang mayroon mga politiko na bagamat nag-aanunsyo na tatakbo pero sa huling sandali ay umaatras at mayroon namang nagsasabing hindi tatakbo ang bigla namang sumasabak sa halalan.
Sa ngayon, ang Senado ay kinabibilangan ng dalawang magkapatid at may mag-inang senador.
Tumanggi naman si Escudero na magkomento kung panahon na ba na magkaroon ng batas kontra dynasty. (DANG SAMSON-GARCIA)
