Ni EDDIE ALINEA
MAGIGING abala si eight-division world boxing champion Manny Pacquiao sa huling quarter ng taon para sa kanyang pagbabalik sa ibabaw ng ring.
Nakatakdang sumabak si Pacquiao sa exhibition match laban kay South Korean Youtuber at martial arts expert DK Yoo sa Disyembre 10 sa Seoul.
Maliban dito, ipinahayag ng 43-anyos na dating mambabatas, may negosasyon siya sa isa pang hiwalay na laban sa Enero 2023.
Ayon sa ulat ng yahoo.com base sa panayam ng Agence France Press (AFP), ang makakalaban ng Pambansang Kamao ay ang dating French sparring partner na si Jaber Zayani at gaganapin ito sa Riyadh, Saudi Arabia.
“We will just start discussions,” pag-amin ng tinaguriang boxing ‘Pacman’ sa telephone interview ng AFP.
Samantala, kasado na ang exhibition match ng 12 beses nagkampeon sa daigdig na si Pacquiao, isang linggo bago siya mag-44 anyos, kontra Yoo.
“I will prepare in the same way I train for a real fight,” sabi naman ni Pacquiao patungkol sa kanyang exhibition bout kontra Yoo na tatagal ng anim na round.
Si Yoo ay may 650,000 subscribers sa YouTube at sumikat dahil sa kanyang self-styled form of martial arts na ‘warfare combat system.’
“I know I will not win against him but I will try my best to surprise Manny Pacquiao,” wika ni Yoo kamakailan lang.
Bahagi ng kikitain sa laban ay mapupunta sa pabahay ng mga biktima ng digmaan sa Ukraine.
Matatandaang nagretiro sa boksing si Pacquiao matapos matalo sa Cubanong si Yordenis Ugas noong Agosto 2021.
