TINIYAK ng Department of Justice (DOJ) na bukas ito sa panig ni Senador Robinhood “Robin” Padilla kaugnay sa alegasyong tumulong ito sa pagtakas ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Kasabay ito ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Special Panel of Prosecutors kaugnay sa mga pangyayari sa Senado noong Mayo 13 at 14.
Ayon kay Justice Secretary Frederick Vida, maaaring kusang magtungo si Padilla sa DOJ upang magbigay ng kanyang paliwanag hinggil sa mga alegasyong kanyang kinahaharap.
Binigyang-diin ng kalihim na handang tumanggap ang kagawaran ng anumang pahayag o impormasyon na makatutulong sa kanilang imbestigasyon.
Gayunman, sinabi ni Vida na hindi na kinakailangang ipatawag pa ang senador dahil sapat na umano ang mga naging pahayag nito hinggil sa kanyang naging papel sa insidente.
Aniya, tututukan na ng panel of prosecutors ang naging pag-amin ni Padilla upang matukoy kung may nalabag itong batas.
Samantala, inaasahan na ring magsasampa ng reklamo ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa senador.
Tiniyak naman ng DOJ na dadaan sa tamang proseso ang anumang reklamo at kikilalanin ang karapatan ng bawat panig habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
(JULIET PACOT)
80 