OWNER, CONTRACTOR NG GUMUHONG GUSALI PANANAGUTIN

PAPANAGUTIN ng mga otoridad ang may-ari at contractor ng gumuhong condominium-hotel sa Balibago, Angeles City matapos na hindi pa rin umano makipag-ugnayan ang mga ito sa ikatlong araw ng trahedya.

Sa pahayag ng Angeles City Information Office nitong Miyerkoles ng umaga, nanawagan si Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II sa mga nasa likod ng proyekto na makipagtulungan sa imbestigasyon.

Batay sa Unified Command System na nangangasiwa sa retrieval operation, pagmamay-ari umano ni Ernest Jackson Lim ang gusali habang ang Golden Years Construction and Steelworks naman ang contractor nito.

Giit ng alkalde, dapat humarap at magpaliwanag ang may-ari at contractor upang malinawan ang sanhi ng pagguho ng gusali kung saan apat na ang nasawi habang 16 pa ang natabunan.

“The families of the victims deserve answers. The authorities deserve cooperation. The public deserves accountability — and accountability begins with showing up,” ani Lazatin.

Samantala, bumuo na rin ng fact-finding team si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla para imbestigahan ang insidente.

Ayon kay Remulla, pangungunahan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang imbestigasyon upang matukoy kung may kapabayaan sa nangyaring trahedya.

Magugunitang madaling-araw ng Linggo nang gumuho ang siyam na palapag na gusali sa Angeles City.

Patuloy naman ang search, rescue and retrieval operation sa lugar habang nagpapatuloy rin ang clearing operations at retrieval efforts para sa mga nawawala.

(ELOISA SILVERIO/JESSE RUIZ)

95

Related posts

Leave a Comment