NAGBABALA si Senate Minority Leader Vicente Tito Sotto III na iaakyat sa Korte Suprema ang usapin sa posibleng abuse of discretion ng Senate Majority bloc sa pagtatangkang huwag sundin ang kanilang patakaran sa pagtalakay at pag-apruba sa panukala ni Senator Rodante Marcoleta na amendment sa Senate rules para payagan ang online participation ng mga senador sa session.
Sinabi ni Sotto na ikukonsidera nila ang pagdulog sa Korte Suprema kung magpupumilit ang mayorya sa hindi tamang paraan ng pagsusulong na agad maipasa ang panukalang amendment.
Una rito, sinabi ni dating Senate President Franklin Drilon na maaaring kwestyunin ng minorya sa Korte Suprema ang anya’y abuse of discretion ng majority.
Iginit ni Sotto na sundin ang Senate rules at hindi dapat baguhin para lamang sa personal na interes.
Malinaw anyang sinasabi ng kanilang rules na ang anomang panukalang pagbabago sa kanilang patakaran ay dapat dumaan sa rules committee at kailangang may committee report bago ito talakayin sa plenaryo ng Senado.
Malinaw anya na kaya minamadali ang pagpapasa sa panukalang online participation ay para mapaboran si Senator Ronald Bato dela Rosa na ngayon ay muling nagtatago at kung sino pa man sa mga senador mula sa mayorya na sinasabing maaaring makasuhan sa mga susunod na araw.
Matalino Aksyon vs Maruming Laro
Tiniyak ng Senate Minority Bloc na tatapatan nila ng matalinong aksyon ang maduming laro ng majority bloc.
Ito ang binigyang-diin ni Senator Panfilo Lacson matapos ang pagtatangka ng majority na madaliin ang pagtalakay at pagpasa sa plenaryo ng panukalang amendments sa Senate rules para mapayagan ang online participation ng mga senador na hindi makapunta sa Senado.
Kinuwestyon ni Lacson ang anya’y paglabag sa sarili nilang alituntunin makaraang talakayin na agad sa plenaryo ang panukalang amendments kahit wala ito sa agenda at kahit wala pang aksyon at report ang rules committee ukol dito.
Tinukoy ni Lacson ang Section 24 ng Rules ng Senate kung saan nakasaad na ang mga komite ay dapat magsagawa muna ng meeting para talakayin, desisyunan at magsumite ng report sa mga usapin na ita-transmit dito.
Pero ayon kay Lacson, sa ngayon ay wala pang chairman o miyembro ng Committee on Rules na tatalakay sa naturang panukalang amendments at bakante pa nga maging ang Majority Leader na chairman ng Committee on Rules.
Kinwestyon din ni Lacson ang pagbanggit ni Senate President Alan Peter Cayetano sa Section 136 ng Rules of the Senate, kung saan maaaring amyendahan ang Rules sa pamamagitan ng mosyong inihain nang hindi bababa sa isang araw bago ito talakayin, at kinakailangan ang boto ng mayorya ng mga senador na present sa sesyon upang ito ay maaprubahan.
Iginiit ni Lacson mai-a-apply lamang ang Section 136 kung walang referral, ngunit nasa records ng sesyon noong Mayo 11 na ini-refer ang panukala sa Committee on Rules, na kinumpirma mismo ng Senate President.
SB 11 Walkout
Kinondena rin ng Solid Bloc 11 o SB 11 ang pagtatangka ng mayorya ng Senado na madaliin ang pag-amyenda sa Senate Rules sa kabila nang marami pang mga senador ang nagnanais na magtanong.
Nagtataka ang minorya kung bakit kailangang madaliin, pigilan ang mga gustong magsalita, at kailangang agad pagbotohan ang usapin kung marami pang senador ang nagtatanong tungkol sa proseso.
Tanong pa ng grupo, kung minamadali ang rule change dahil gusto nilang makaboto si Senator Ronald Bato dela Rosa at sa kalagitnaan ng mga impormasyon na may majority senators na maaaring arestuhin.
Ipinaliwanag ng SB11 na nag-walkout sila kagabi dahil naniniwala silang hindi na maayos ang deliberasyon gayung ang ipinapanukalang pagbabago ay makaaapekto sa pagdalo ng mga senador sa sesyon at pakikiisa nila sa mga aktibidad kaya’t dapat itong magkaroon ng maayos na debate sa halip na madaliin sa pamamagitan ng tyranny of the majority.
Ipinaalala ng grupo na ang healthy discussions ay nangangahulugan na pinapayagan ang lahat ng miyembro na marinig at hindi pinipilit ang sinoman na madaliin ang anomang pagtalakay.
(DANG SAMSON-GARCIA)
114 