HINILING ng grupo ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Vice Chairman Mohagher Iqbal ang pagsasagawa ng Bangsamoro Autonomous Region on Muslim Mindanao o BARMM election sa October 13.
Dumalo si Iqbal kasama si Senadora Imee Marcos sa Kapihan sa Senado upang iparating ang panawagan ng kanilang grupo na ituloy ang eleksyon.
Ayon kay Iqbal, nakakuha sila ng impormasyon na may mga nagsusulong na muling suspendihin sa ikatlong pagkakataon ang halalan sa BARRM kung kaya’t nagtungo sila sa Senado upang iparating ang panawagan ng mamamayan ng BARMM na ituloy ang halalan para sa kanilang karapatan na bumoto at mailuklok sa pwesto ang nais nilang lider.
Duda kasi si Senadora Imee Marcos na matapos ang LEDAC meeting ay biglang nabago ang posisyon ng administrasyon na nais ng ituloy ang Barangay at SK election sa Disyembre.
Ayon kay Marcos, may mga LGU na tutol na magkaroon ng Barangay election ngayon taon dahil dalawang taon pa lamang nakaupo ang mga kasalukuyang halal na Barangay at SK Officials.
Ayon sa senadora, kung matutuloy ang halalan pangbarangay, tiyak masasakripisyo ang halalan ng BARMM na dapat sana ngayong October 13.
Hindi aniya urgent ang magsagawa ng Barangay election ngayon taon at ang mahalaga ay ituloy ang matagal nang inaasam na BARRM election ng mga kapatid na Islam at taga-Mindanao.
(Danny Bacolod)
