PAGIGING BASTOS PWEDENG GROUND SA DQ – SOLON

MAGIGING ground for disqualification ng isang kandidato ang pagiging bastos, ayon sa panukalang batas na inihain ng isa sa miyembro ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan.

Sa House Bill (HB) 11493, na inihain ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas, pinaaamyendahan nito ang Sections 68 at 261 ng Omnibus Election Code upang maisama ang pambabastos sa ground for disqualification ng isang kandidato.

“Ang mga bastos at mapanghamak na pananalita laban sa kababaihan ay hindi dapat maging kalakaran sa ating pulitika. Dapat may pananagutan ang mga kandidatong gumagamit ng plataporma upang magpalaganap ng diskriminasyon, lalo na sa kababaihan at LGBTQ,” paliwanag ni Brosas.

Nag-ugat ang nasabing panukala matapos mag-viral ang pahayag ni Pasig City congressional candidate Atty. Christian Sia na puwedeng sumiping sa kanya kahit isang taon ang mga single mother at nalulungkot na kababaihan, kahit may regla pa.

Bukod dito, hindi rin nagustuhan ni Brosas ang pahayag ni Misamis Oriental governor Peter Unabia na kailangang magandang babae ang maging nurse dahil kung bakit ay baka lumala ang sakit ng pasyenteng kanilang inaalagaan kung hindi kanais-nais ang kanilang hitsura.

Umaasa si Brosas na iprayoridad ng Kongreso ang nasabing panukala upang maipatupad ito pagkatapos ng 2025 eleksyon at hindi na magkaroon ng mga kandidato na babastos lalo na sa mga kababaihan.

“Ang panukalang Bawal Bastos sa Eleksyon Bill ay isa sa aming magiging priority legislation sa 20th Congress. Inaasahan namin ang suporta ng kababaihan sa pagsusulong ng batas na ito.

Bawat babaeng sinabihang manahimik na lang, sa lahat ng kababaihang binastos: sama-sama nating labanan ang abuso at panagutin ang mga abusadong kandidato,” hinayag ng kongresista.

(PRIMITIVO MAKILING)

35

Related posts

Leave a Comment