MAY dalawang suhestiyon ang mga suking taga-subaybay ng PUNA sa planong Balik Probinsiya Program ng gobyerno.
Una, para sa mga taga-Visayas at Mindanao itaas ang bilihan ng mga produktong niyog lalo na ang copra.
Ang mamamayan ng Visayas at Mindanao ay umaasa sa produkto ng niyog partikular sa kopra kaya kapag bagsak ang presyo nito ay bagsak din ang kanilang kabuhayan.
Ang mga lugar na ito ay matatagpuan ang pinakamalalawak na niyugan sa buong bansa, kaya dito sila kumukuha ng kanilang kabuhayan.
Sa impormasyon na natanggap ng PUNA, noong nakaraang Pebrero 2020 ang presyo ng bawat kilo ng kopra sa Eastern Visayas (Region 8) ay nasa P12.17 lang.
Base sa nakausap nating magsasaka, sa isang (1) kilo ng copra ay katumbas nito ang tatlong (3) piraso ng niyog.
Mahaba ang proseso ng paggawa ng copra, mula sa pagkuha ng niyog, binabalatan at niluluto bago maibenta ng mga magsasaka.
Mula sa pagpitas ng niyog, pagbalat, pagluto at pagbenta ay ginagastusan nila tapos pagdating sa negosyante ay bibilhin lamang ng P12.17 bawat kilo.
Magkano ang matitira sa gumawa at nagbenta ng copra?
Simpleng komputasyon, sa pagpitas P2; pagbalat P2; pagluto P2 at pamasahe sa pagbenta P1 bawat kilo bawas sa P12.17.
Ang natira sa gumawa ng copra ay P5.17 bawat kilo?
Ang natirang P5.17 bawat kilo times sa 100 kilos ay umabot lamang ng P5,717 sa loob ng tatlong buwan.
Bakit kamo?
Bago po anihin ang niyugan at gawing kopra ay kailangan munang paabutin ng tatlong (3) buwan.
Ganoon kasalimuot ang buhay ng mamamayan sa Visayas at Mindanao na umaasa sa niyog.
Pero kung umabot naman daw ng P30.00 bawat kilo ng kopra ay hindi na nila kailangan pang makipagsapalaran sa National Capital Region (NCR) para magtrabaho.
Magtutungo lamang ang kanilang mga anak sa NCR para sa edukasyon.
Pangalawa, kundi man daw kayang itaas ang bilihan ng presyo ng copra ay lumikha ng mga trabaho ang gobyerno sa mga lalawigan para may pagkakakitaan sila.
Kung maisasakatuparan ang mga ito, siguradong luluwag ang Metro Manila.
Ang plano ng gobyerno sa Balik Probinsiya na pinag-usapan sa pinakahuling public address ni Pangulong Rodrigo Duterte ay siguradong sasang-ayunan ng mga taga-Visayas at Mindanao.
Ang mga promdi na nasa NCR ay kahalintulad din ng overseas Filipino workers (OFWs).
Hindi sila makikipagsapalaran sa ibang lugar o bansa kung may kabuhayan sila sa sarili nilang bayan.
Balik po tayo sa niyog, napakaraming produkto mula dito.
Kaya nga tinawag itong “Tree of Life” dahil halos lahat ng parte nito ay pwedeng mapakinabangan.
Mula sa kanyang dahon na ginagawang walis, atip; puno na ginagawang coco lumber; ugat at balat na ginagamit na gamot at tsinelas; katas ng bulaklak na ginagawang alak (tuba), bunga, gata
(coco milk), candy, tinapay; langis, pabango (victoria secret) at maraming pang iba.
Kaya nagtataka ang mga magsasaka ng niyog kung bakit nakapako sa napakamababang presyo ng kopra.
Dapat sigurong silipin din ng gobyerno kung bakit ganito ang nangyayari.
O, baka naman may kumukontrol na mga negosyante dito?
Dapat magkaroon din ng mga processing plant sa mga lalawigan, para doon na mismo iproproseso ang kanilang mga produkto.
Nakakatiyak tayo na maraming mag-uuwian sa kanilang mga probinsiya ang mga taong nasa Metro Manila dahil wala na silang rason para manatili pa rito.
Kung matutuloy ang mga ito ay hindi na mahihirapan ang gobyerno sa pagsusulong ng federalism.
May na-PUNA lang po tayo, bakit ang mga politiko ang inuuna nilang itayo sa kanilang mga lugar ay mga sabungan?
Wala na ngang pinagkakakitaan mga tao sa kanilang mga lugar ay sugalan pa ang ipinatayo para sa kanila.
Hala sige! Go! Sir Bong Go! pabor po ang PUNA sa plano n’yo.
Stay at Home, lilipas din ang COVID-19 sa awa ni Lord.
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo at operarioj45@gmail.com.
