MISTULANG dumadaan sa butas ng karayom bago makuha ng mga benepisyaryo partikular ang mga senior citizen ang 2nd tranche ng Social Amelioration Program (SAP) subsidy sa mga money remittance center.
Ito umano ay dahil sa iba’t ibang requirements na hinihingi ng mga remittance center na ka-partner ng gobyerno sa pagpapadala ng ayuda.
Sa panayam ng PeryodikoFilipino Inc. (PFI) sa isang pamilya mula sa Caloocan City, maraming hindi nakakuha ng ayudang (2nd tranche) P8,000.00.
Kabilang umano sa mga hinahanap bago mailabas ang pera ay ang government issued IDs na tulad ng driver’s license, SSS, Voters ID, passport at PhilHealth.
Ngunit kahit umano may SSS at PhilHealth IDs ang benepisyaryo ng ayuda ay hindi rin tinatanggap o ino-honor ng remittance center kapag updated ang mga ito.
Nagsimulang mag-text ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga benepisyaryo ng SAP subsidy, ilang araw na ang nakalilipas.
Kaya naman magmula kamakalawa ay dagsa ang mga tao na nagki-claim ng ayuda sa mga remittance center subalit marami sa kanila ang nabigong makakuha.
Partikular sa mga bigong makakuha ng cash assistance ang mga nakatatanda na walang maipakitang valid IDs.
Banggit naman ng isang ginang, nahirapan na nga siyang kunin ang P5,000 assistance ay kinaltasan pa siya ng P75.00 pesos ng Smart padala bilang transaction fee.
Ayon naman sa isa pang ginang na nakapanayam ng PFI, sa P8,000 niyang SAP fund na kinuha sa Smart padala, kinaltasan siya ng P150.00 bilang transaction fee.
Ang mga kumuha naman sa Villarica Pawnshop ay kinaltasan ng P200 sa P8,000 sa subsidy.
Ang iba naman ay nagkaproblema dahil walang cellphone kaya hindi nila natanggap ang text message ng DSWD.
Kaugnay nito, kinuwestiyon ng ilang benepisyaryo kung bakit pinadaan pa ng DSWD sa mga pera padala ang ayuda na nagdulot lang ng kalituhan at hirap sa pagkuha nito.
Ito ay dahil karamihan umano ng benepisyaryo ng SAP ay hindi alam ang proseso sa Smart padala, Gcash at mga remittance center.
“Natanggap na namin ang text message mula sa DSWD na pwede na namin ma-claim ang ayuda pero pagdating naman namin sa Villarica Pawnshop at Smart padala ay kung anu-anong gov’t issued IDs ang hinihingi sa amin,” dagdag pa ng isang ginang. (JOEL O. AMONGO)
115