MALAPIT nang ipagbawal sa lahat ng internet service provider ang expiration ng data sa binayarang packages at promos sakaling maisabatas ang Senate Bill No. 1880 na may layunin na itatag ang “roll-over data scheme, ayon kay Senador Manuel “Lito” Lapid.
Sa pahayag, sinabi ni Lapid na sa pamamagitan ng ganitong sistema, hindi mapapaso ang hindi nagamit na data allocation mula sa internet data packages o promo bagkus, magiging carry over sa susunod na buwan hanggang matapos ang taon.
“If at the end of the year, there are still remaining unused data allocation, then the same will be converted to rebates. These rebates may be used for future subscriptions,” ayon kay Lapid.
Naniniwala si Lapid na napapanahon ang panukala na maisabatas kaagad bilang bahagi ng “new normal” dulot ng corona virus 2019 (COVID-19) pandemic dahil halos lahat ng mamamayan ay nagtungo sa internet upang magnegosyo, makapag-usap o sa usaping pinansiyal.
“Sa panahon ngayon hindi na lamang luho ang pagkakaroon ng internet sa bawat tahahan. Isa na itong pangangailangan ng marami kung hindi man ng lahat sa atin. Mula sa simpleng komunikasyon hanggang sa pag-aaral at operasyon ng negosyo, nakasalalay sa internet ang marami sa atin. Aminado tayong malaki pa rin ang pagkukulang pagdating sa internet connectivity sa ating bansa pero gusto ko kahit papaano maging sulit ang binabayad ng ating mga kababayan para sa mga internet package at promo sa pamamagitan ng roll-over data scheme. Sa pamamagitan nito, wala na dapat data na ma-e-expire at magagamit ang lahat ng ito sa mga susunod na buwan hanggang matapos ang taon,” paliwanag ni Lapid.
Sinabi ng senador na habang kumikilos pa ang pamahalaan upang maresolba ang isyu sa internet speed sa bansa, mas makabubuting gumawa ng interbensiyon na magpapaunlad sa karanasan ng mamamayan sa kalidad na serbisyong iniaalok ng ISPs at telecommunication companies sa bansa.
Sakaling maisatatag ang “roll-over data scheme, maiiwasan ang pangyayari na mawawalan ang subscriber ng megabytes (MB), kundi may gigabytes (GB) na data allocation dahil nag-expire ang data ng pakete o promo na lumipas.
Pagmumultahin ang non-compliant ISPs upang mahigpit na maipatupad ang batas na aabot sa P300,000 sa unang paglabag; P500,000 sa ikalawang paglabag at multang aabot sa P1 milyon at pagkansela ng lisensiya at prangkisa sa ikatlong paglabag. (ESTONG REYES)
