BINATIKOS nang todo ng pinuno ng United Filipino Consumers and Commuters (UFFC) si Senador Francis “Kiko” Pangilinan dahil sa pagbabalewala sa mga oligarkong kumokontrol sa ekonomiya ng bansa.
Ani Rodolfo “RJ” Javellana, nagsimulang bumalik at maghari-harian ang mga oligarko sa bansa noong maging pangulo si Corazon “Cory” Cojuangco Aquino.
“Dahil sa panahong sinuportahan nila ang coup d’ etat noong 1986 sa EDSA (Epifanio de los Santos Avenue) ay nagsimulang manumbalik at lumakas ang mga oligarko sa bansa,” birada ni Javellana, pangulo ng UFCC.
Ang pamilya Lopez, sa pangunguna ni Eugenio Lopez Jr., ay numero noong oligarko sa panahon ni Aquino na muling pinangasiwaan at kinontrol ang ABS-CBN Corporation.
Ang birada ni Javellana kay Senador Pangilinan ay reaksyon niya sa pananaw ng pangulo ng Liberal Party (LP).
Sabi ni Pangilinan: “Gawa-gawa lang ‘yang problema ng mga oligarch. Walang kinalaman ang pagsasara ng ABS-CBN sa matinding problema dulot ng COVID (coronavirus disease-2019). Inimbento lang ang problema na oligarchs para linlangin ang taumbayan dahil sa totoo lang, wala silang maipakitang ni katiting na magandang resulta sa pagsugpo sa lalo pang kumakalat na COVID, sa gutom at sa kawalan ng trabaho ng milyun-milyon nating mga kababayan.”
“Saan tayo maniniwala? Sa gawa-gawa lang o doon sa totoo lang?,” bulalas pa ni Pangilinan.
Ipinaalala ng senador na noong Hunyo 1 ay umabot sa 18,638 ang kabuuang bilang ng mga Filipino na tinamaan ng COVID-19.
Tumaas ito sa 57,006 nitong Hulyo 13.
Nagsimulang naging problema ng bansa ang COVID-19 noong Pebrero ng taong kasalukuyan.
Ayon kay Javellana: “Ang pahayag na ito mula sa pangulo ng Partido Liberal ay maliwanag na paglilihis at pagtatakip sa kasalukuyang kalagayan ng kung sino ang totoong may kontrol sa pulitika,
ekonomiya at kabuhayan ng mg Pilipino.”
Ipinaalala niya kay Pangilinan kung paanong nakabalik ang mga oligarko simula kay Cory Aquino.
“Itinulak ni dating Pangulong Cory at iba pang sumunod na administrasyon ang patakaran sa ekonomiya na pribatisasyon, deregulasyon, liberalisasyon pati na ang kontraktuwalisasyon na nagpalakas sa iilang pamilyang monopolistang bilyonaryong oligarko, lalo na sa pampublikong pasilidad gaya ng tubig, kuryente, telekomunikasyon, toll roads, at iba pang estratehikong industriya,” paliwanag ni Javellana.
Binanggit din ng pinuno ng UFCC na ang iba sa oligarko ay nakapuwesto ang pamilya sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan tulad ng pamilya Villar na pasok sa negosyong tubig, lupa, at telekomunikasyon.
Si Cynthia Villar ay senadora, si Camille ay kongresista, si Mark Villar ay kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at asawa ni Mark na si Emmeline Aglipay-Villar ay undersecretary ng Department of Justice (DOJ).
Napakalakas ng pamilya Villar kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Javellana, “Kahit pa sabihin natin na wala ang ibang oligarko sa pulitika, ngunit ramdam ng mga Filipino at kitang-kita kung sinu-sino ang mga nagmamay-ari ng mga bangko, media, pantalan, paliparan, ospital, mga negosyo sa agrikultura, sa edukasyon, pharmaceuticals, etc.”
“Mukhang si Senator Kiko Pangilinan na lamang ang hindi nakaaalam ng mga negosyo ng mga oligarko sa bansa. Nakakalungkot na siya ay nabubuhay nang tulog sa katotohanan na isa sa ugat na nagpapahirap sa bansa ay mga oligarko!,” tirada ni Javellana.
“Ito ay hindi inimbento. panahon pa ng mga Greko ay mayroon nang oligarkiyang ganid sa mundo!,” susog ni Javellana. (NELSON S. BADILLA)
256 