IGINIIT nina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senador JV Ejercito na dapat pakinggan ng senator-judges sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang mga pahayag at payo ni dating Senate President at ngayon ay presidential legal counsel Juan Ponce Enrile.
Sinabi ni Pimentel na si Enrile ay beterano na sa paghawak ng impeachment trial.
Makabubuti rin anyang pakinggan nila ang iba pang mga opinyon lalo na ang pananaw ng legal scholars o’ legal experts na kumwestyon sa mga nagiging hakbangin ng Senate impeachment court tulad ng ginawang pagbabalik sa Kamara ng articles of impeachment.
Binigyang-diin ni Pimentel na pareho sila ng pagkakaintindi ni Enrile sa nakasaad sa konstitusyon na dapat agarang inaksyunan at sinimulan ng Senado ang impeachment process matapos matanggap ang articles of impeachment.
Sinabi naman ni Ejercito na matapos silang manumpa bilang senator-judge dapat iwasan na nila ang pagsasalita at pagkokomento ukol sa impeachment case lalo na kung may kinalaman sa merito.
Prosec Spox Rumesbak
“Naiinip ka sa seven days ngayon, limang buwan na hindi pa rin kayo nagsisimula ng trial.”
Resbak ito ni House prosecution panel spokesman Atty. Antonio “Audie” Bucoy sa tagapagsalita ng Impeachment Court (IC) na si Atty. Regie Tongol.
Ito’y matapos umanong sabihin ni Tongol na naiinip na ang mga ito dahil hindi pa rin sumasagot ang prosecution team sa kautusan ng Impeachment Court na mag-isyu ng sertipikasyon na hindi nilabag ng Kamara ang Saligang Batas nang iimpeach si Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Bucoy na nagpasa na ng resolusyon ang Kongreso na hindi nila nilabag ang one year rule ban sa pag-impeach kay Duterte at hindi rin umano nila maaksyunan ang isa pang kautusan ng Impeachment Court kung gusto ng mga ito na ituloy ang impeachment proceeding sa 20th Congress dahil hindi pa nagsisimula ang nasabing Kongreso.
Subalit ang tila ikinainis ni Bucoy ay ang pagkainip ni Tongol sa hindi agad pagsagot sa kautusan ng Korte na inilabas lamang noong June 10, 2025 gayung 5 buwan na mula noong ipasa ng Kamara ang articles of impeachment.
(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)
