(BERNARD TAGUINOD)
PATULOY na binubudol ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang sambayanang Pilipino kaya dapat maningil na ang mamamayan.
Ito ang iginiit ng kababaihang magsasaka na kabilang sa mga magsasagawa ng malakihang kilos protesta kasabay ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Marcos ngayong araw.
“Dapat singilin si Marcos sa patuloy na pambubudol nito sa mamamayang Pilipino na diumano bababa ang presyo ng bigas. Hanggang ngayon, walang P20 kada kilong bigas,” ani Cathy Estavillo, Secretary General ng Amihan.
Unang ipinangako ni Marcos noong panahon ng kampanya na makakabili ng P20 kada kilo ng bigas ang mga Pilipino kaya siya ang ibinoto subalit papasok na ito sa kanyang ikatlong taon bilang Pangulo ay P55 hanggang P60 pa rin ang presyo ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino.
Sa katunayan umano, naglalaro ang presyo ng bigas sa P30 hanggang P42 kada kilo bago naging Pangulo si Marcos subalit imbes na bumaba ito ay lalo pang tumaas kaya isang uri anila ito ng pambubudol sa sambayanang Pilipino.
“Hindi pa tapos ang taon, umabot na ng 4.7 milyon MT mula sa 4.6 MMT ang forecast ng USDA (United States Department of Agriculture) na aangkating bigas ng bansa ngayon taon. Dapat batikusin si Marcos dito dahil sa patuloy na pagsandig sa importasyon,” pahayag pa ni Estavillo.
Ang 4.6 metric tons na forecast ng USDA ay para sa buong 2024 subalit lagpas na ito gayung Hulyo pa lamang kaya lalong natatakot ang mga magsasaka na lolobo pa ito lalo’t inaasahang sasamantalahin ng rice importers ang mababang taripa.
Kasunod ito ng Executive Order (EO) 62 na inilabas ni Marcos kung saan babawasan ng 15% ang taripa kaya 20% na lamang ang babayarang buwis ng importers mula sa dating 35%.
“Kung sinuportahan ng gobyerno ang mga magsasaka at pinalakas ang lokal na produksyon, lumikha pa sana ito ng bilyun-bilyong pisong halaga na mapapakinabangan ng mga magsasaka at mga maralita sa kanayunan. Pinipilit pa rin ni Marcos na epektibo ang Executive Order 62 na sagot sa pagbaba ng presyo ng bigas pero mas lalo lamang papatay sa lokal na industriya,” litanya pa ni Estavillo. (BERNARD TAGUINOD)
