PNP CHIEF PINITIK SA LAGANAP NA DROGA, KRIMEN

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MISTULANG pasaring kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Marbil ang pahabol na pahayag ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng pagbawi sa 75 niyang police security details.

Sa inilabas na pahayag ni Duterte, sinabi nito na umaasa siya na sa pagbawi sa 75 tauhan ng PNP Police and Security Group na nakatalaga sa kanya ay mababawasan ang problema sa droga at krimen sa bansa.

Nauna rito, kinumpirma ni Duterte sa pamamagitan ng inilabas na pahayag na iniutos ng PNP Chief na alisin ang 75 pulis na nakatalaga sa kanyang proteksyon.

Ang kautusan ni Marbil na may petsang Hulyo 22 ngayong taon ay nag-aatas sa pagbawi sa lahat ng mga PNP personnel na nakatalaga sa Bise Presidente.

Sa kabila nito, tiniyak ni Duterte na hindi maaapektuhan ang kanyang trabaho sa nasabing pangyayari.

“Tuloy-tuloy pa rin ang ating trabaho upang makapaghatid tayo ng serbisyo sa ating mga kababayan — lalong-lalo na sa mga liblib o underserved communities sa ating bansa,” bahagi ng pahayag ng Bise Presidente.

Sa dulo, tila pasaring kay Marbil ang binanggit ni Duterte na: “I do hope, however, that with this latest directive of the Chief PNP, we hear less cries from the people regarding the proliferation of drugs in the country, and that even fewer shall fall victim to various criminal activities”.

Paliwanag ni Marbil, walang halong pulitika ang pagbabawas sa security detail ni Duterte kundi kinakailangan nilang magdagdag ng pwersa sa Metro Manila.

Hindi naman aniya agad-agad binawasan ang security detail ni Duterte dahil kinausap muna nila ito at ipinaliwanag ang rason sa naturang hakbang.

Paliwanag pa ng PNP Chief, hindi lamang si Duterte ang tinapyasan ng security detail dahil may mga dating heneral din ang naapektuhan ng kautusan.

Aniya pa, hindi malaking kawalan ang pagbabawas ng security ni Duterte dahil nagsisilbi lamang itong dagdag mula sa mga sundalong nagbabantay rito.

267

Related posts

Leave a Comment