(NI JEDI REYES)
DALAWAMPUNG bagong ruta ng mga pampublikong sasakyan ang idaragdag ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Sa ipinalabas na Memorandum Circular ng LTFRB, 10 bagong ruta ang ibinigay sa mga public utility bus, dalawa sa UV Express, at walo sa Class Public Utility Jeepneys.
Kabilang sa mga ruta ng mga pampasaherong bus ay ang
- PITX – Ternate
- PITX – Alfonso/Mendez
- PITX – Palapala, Dasmariñas
- PITX – Silang, Cavite
- PITX – Tagaytay City
- PITX – Cavite City
- PITX – Indang
- PITX – Manggahan, General Trias
- PITX – Lancaster New City
- PITX – Nasugbu via Ternate
Para naman sa ruta ng mga UV Express Van / Class 3 PUJ ay ang PITX – Alabang at PITX – Tanza. Habang ang mga bagong ruta ng Class 2 PUJ ay sa
- PITX – Bayan Luma, Imus
- PITX – Alabang
- PITX – Tanza
- PITX – Bicutan via East Service Road
- PITX – Bicutan via West Service Road
- PITX – Sucat via Sucat Avenue
- PITX – Blumentritt
- PITX – Bacoor
Kasabay nito, nagtakda ang LTFRB ng mga pamantayan alinsunod sa PUV Modernization Program (PUVMP) para sa mga yunit na bibigyan ng prangkisa sa mga bagong ruta.
Para sa mga bus, kailangang single deck ang mga ito, may Euro 4 o mas mainam pang emission standard, mababa ang sahig, hindi bababa sa dalawa ang pinto, air-conditioned, may CCTV, dashboard camera, libreng WiFi, at automatic fare collection system. Kailangan ding salary at hindi commission-based ang kompensasyon sa mga tsuper.
Para sa mga UV Express at PUJ, dapat sumusunod sa itinatakdang ng prangkisa o Omnibus Franchising Guidelines (OFG).
Igagawad sa iisang aplikante lamang ang bawat ruta at ang mapipiling aplikante ay kailangang makapaghanda ng minimum na 25% ng required units para sa ruta sa loob ng tatlong buwan mula sa paglabas ng Notice of Selection; minimum na 50% ng required units sa loob ng anim na buwan; at kumpletong fleet sa loob ng siyam na buwan mula sa paglabas ng Notice of Selection.
Gayunman, dahil batid ng LTFRB na hindi agarang makapaghahanda ng mga PUVMP-compliant unit ang mga posibleng aplikante sa mga bagong ruta, nagtakda ang MC 2019-005 ng mga panuntunan para sa Interim Service.
Sa ilalim ng Interim Service, kailangan nang mag-operate ng mapipiling aplikante sa loob ng 15 araw mula sa Notice of Selection nang may 2/3 ng required units kada ruta. Maaaring gamitin ng aplikante ang mga sarili nitong yunit, o mga leased o chartered na yunit mula sa ibang operator, manufacturer o dealer.
Para sa mga Interim Service unit, tanging mga PUB unit na hindi hihigit sa limang taon ang tanda at UV Express unit na hindi hihigit sa tatlong taong tanda ang pahihintulutang bumiyahe sa mga bagong ruta.
126