6 PATAY SA KARAMBOLA NG 3 SASAKYAN SA QUEZON

PATAY ang anim na magkakapamilya kabilang ang tatlong menor de edad, habang tatlo ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa Maharlika Highway, Brgy. Canda Ilaya, sa bayan ng Lopez, lalawigan ng Quezon pasado alas-2:00 ng madaling araw nitong Miyerkules.

Ayon sa report ng Lopez Police, kabilang sa sangkot na mga sasakyan ang isang Bajaj three wheeled motorcycle o toktok, isang cargo truck, at pampasaherong bus na minamaneho ni Amor Atabillo Pedragosa.

Lumabas sa imbestigasyon, patungo sa Libon, Albay ang toktok tricycle na may sakay na 9 katao at nakahinto sa kinukumpuning bahagi ng highway nang masalpok ito sa likuran ng kasunod na truck dakong alas-2:15 ng madaling araw.

Sa lakas ng pagkasalpok, naitulak ang toktok patungo sa kabilang lane at bumangga sa kasalubong na bus.

Nagresulta ito sa pagkasunog ng toktok at kasamang natupok ang apat na sakay nito, kabilang ang dalawang menor de edad, na pawang idineklarang dead on the spot.

Napag-alaman na may baon na gasolina ang driver at nakalagay sa hulihang bahagi ng toktok na siyang pinagmulan ng sunog.

Kinilala ang mga dead on the spot na sina Cheska Brin Jucares, 28; Riza Brin, 25; at ang dalawang batang lalaki.

Binawian naman ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Magsaysay District Hospital ang isa pang sakay na si Jaymar Orolfo Lunas at ang isa pang batang babae na anak ng driver.

Apat sa mga nasawi ay mag-asawa at kanilang dalawang anak.

Samantalang nilalapatan ng lunas ang tatlo pang sugatan kabilang ang driver ng toktok na si Julius Cano Brin, 32, at ang anak nito at ang tatay ni Julius na si Leopoldo Revilla Brin, 57-anyos.

Ikinustodiya naman ng Lopez Police ang driver ng truck na si Ernesto Galvez Alberto, 51, taga Barangay San Pascual, Hagonoy, Bulacan habang patuloy pang iniimbestigahan ang insidente. (NILOU DEL CARMEN)

31

Related posts

Leave a Comment