Ayon sa DNA test at forensic experts PAGKAMATAY NG LOVERS SA DAVAO CONDO, NO THIRD PARTY

INILABAS na ng Davao City Police ang resulta ng DNA test na ginawa kaugnay sa pagkamatay ng mag-live in partner na sina Jennifer Chavez at Jeff Predas na kapwa natagpuang walang buhay sa magkahiwalay na lugar sa isang condominium sa Davao City noong Abril 21.

Ibinunyag ni Davao City Police Office spokesperson, Police Captain Hazel Tuazon, base sa resulta ng DNA at isinagawang pagsusuri ng Forensic Unit ng Davao City, wala silang nakitang iba pang taong sangkot dahil ang dugo at mga fingerprint na natagpuan sa ikatlong palapag ng condo na pinangyarihan ng krimen, at gayundin sa elevator, at sa ikaanim na palapag kung saan hinihinalang nahulog ang lalaki, ay pawang nagmula sa mga biktima.

Maging ang dugo at finger print sa kutsilyong nakuha sa crime scene ay nagmula rin sa dalawa, kaya ayon kay Tuazon, walang third party na involve sa insidente.

Gayunpaman, hindi pa rin inaalis sa imbestigasyon ang dalawang taong itinuturing na ‘persons of interest’ sa kaso habang hinihintay pa ng mga awtoridad ang isa pang resulta ng DNA, ngunit tumanggi muna ang DCPO na ibigay ang mga detalye kung ano ito.

Ang mag-partner na mula sa Parañaque City at Cavite, ay pumunta sa Lungsod ng Davao noong Abril 20 upang manood ng concert, ngunit natagpuang patay ang 29-anyos na si Predas, 12 oras matapos siyang dumating sa lungsod, habang natagpuang patay ang 27-anyos na si Chavez, isang araw mula naman nang siya ay dumating.

Batay sa autopsy, namatay si Predas dahil sa mga saksak sa dibdib, at pinaniniwalaang tumalon o itinulak ito mula sa ikatlo o ikaanim na palapag ng gusali at bumagsak sa ground floor, matapos siyang saksakin.

Habang namatay naman si Chavez dahil sa isang saksak sa leeg sa loob ng kanilang unit sa 3rd floor.

Samantala, humingi ng pang-unawa ang Davao City Police sa pamilya ng dalawa hinggil sa matagal na paglutas ng kaso dahil idinadaan nila sa masusing pagsusuri ang kanilang mga ginagawa upang matiyak na tama ang magiging resulta ng imbestigasyon. (NILOU DEL CARMEN)

26

Related posts

Leave a Comment