AHENTE NG LUPA, TODAS SA RIDING IN TANDEM

LUCENA CITY – Patay ang isang 60-anyos na lalaking ahente ng lupa nang pagbabarilin ng hindi kilalang riding in tandem sa Brgy. Ilayang Talim sa lungsod noong Huwebes ng gabi.

Agad nalagutan ng hininga habang nakaupo sa passenger seat ng sinasakyang kotse ang biktimang si Manuel Sanchez Pilarca, residente ng Villafuerte Subd., Brgy. Ibabang lyam, Lucena City.

Ayon sa report ng Lucena City Police, dakong alas 6:30 ng gabi, pasahero ang biktima ng kotseng Toyota Wigo na minamaneho ng kasama nitong isa ring ahente, nang pagbabarilin ito ng backrider ng motorsiklo na humabol sa kanila.

Mabilis ding tumakas ang mga suspek na kapwa nakasuot ng jacket at pantalong maong, patungo sa direksyon ng bayan ng Sariaya.

Tinamaan ng mga bala ng .45 kalibreng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na agad nitong ikinamatay.

Hindi naman nasaktan ang nagmamaneho sa kotse sa insidente.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam kung may kinalaman ang krimen sa ginawa ring pagpatay sa isang kasamahan din nitong ahente ng lupa na binaril at napatay rin ng riding in tandem sa Lucena City, ilang buwan na ang nakalilipas. (NILOU DEL CARMEN)

40

Related posts

Leave a Comment