NAGING panatag ang loob ng pamilya Batocabe matapos tiyakin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaligtasan ni Gertie Batocabe, biyuda ng pinaslang na kongresista, na tatakbong alkalde sa Daraga, Albay.
“Lumakas po ang loob dahil tiniyak ng ating Pangulo ang seguridad at kapwa Darageno. Ipagpapatuloy po ang laban ng aking ama,” sabi ni Justin.
Matapos mapaslang si Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe, hindi naglabas ng anuman ang pamilya kung sino ang tatakbo at magpapatuloy sa inumpisahang krusada ng kongresista.
Subalit ngayong mismong ang Pangulo ang nagtiyak ng kanyang kaligtasan, handa na umano si Gertie na sundan ang yapak ng yumaong asawa para sa kapakanan ng nakararaming nangangailangan. Si Gertie, kasama ang ilang government officials, ay nakipagpulong para sa pagtakbo sa kanilang lalawigan.
Nakatakda na umanong magsumite ng dokumento sa Commission on Elections office sa Daraga si Gertie para isapormal ang kanyang kandidatura.
145