FEEDS DELIVERY BINAWASAN, 7 HULI

LAGUNA – Arestado ang pito katao, kabilang ang isang menor de edad, makaraang magnakaw umano ng 82 sako ng feeds na idiniliber sa isang farm sa bayan ng Pagsanjan sa lalawigang ito, nitong Miyerkoles.

Kinilala ni Laguna Police Provincial Director Col. Serafin Petalio II ang mga suspek na sina Paolo Dacuya, 26, driver; residente ng #310 Sampaguita Lipa City, Batangas; Edmundo Manalo, 38, driver, residente ng Marasigan St., San Juan, Batangas; Felomeno Almerañez Jr., 31, residente ng Brgy. San Felipe, Padre Garcia, Batangas; Renan de Castro, 31, residente ng Brgy. Banay-banay, Padre Garcia, Batangas; Patrick Mañoza, 32, residente ng Brgy. Baybayin, Rosario, Batangas; Alexis Biag, 30, ng Brgy. Anibong Pagsanjan, Laguna at isang menor de edad na lalaki.

Ayon sa ulat, nagsumbong sa Pagsanjan Municipal Police Station ang Americh Dianne Farm ng Brgy. Anibong Pagsanjan, na kulang ang ipina-deliver ng San Miguel Corporation na 200 sakong feeds para sa kanilang mga alagang hayop.

Nakasaad umano sa resibo na 200 sako ang kanilang babayaran ngunit ang dumating sa farm ay 118 sako lamang at nawawala ang 82 sako mula sa delivery truck.

Mabilis namang inaresto ng mga awtoridad ang mga suspek na nakakulong na sa Pagsanjan Municipal Police Station. (CYRILL QUILO)

93

Related posts

Leave a Comment