Kambal na trahedya sa Batangas 5 PATAY SA TRUCK

BATANGAS – Umabot sa lima katao ang namatay habang apat ang sugatan sa dalawang insidente ng sakuna sa kalsada na kinasasangkutan ng mga truck sa lalawigang ito.

Sa bayan ng Nasugbu, apat ang patay, kabilang ang isang opisyal ng PNP, habang dalawa pa ang sugatan matapos araruhin ng isang trailer truck ang tatlong sasakyan at masagasaan ang isang pedestrian, nitong Biyenes ng umaga.

Kabilang sa mga namatay si P/Lt. Col. Charlie Abot na siyang nagmamaneho ng Toyota Vios na isa sa mga sinalpok ng truck.

Kapwa patay naman ang driver at pahinante ng umararong truck na sina Edgar Adesas at John Rey Basilan.

Binawian din ng buhay ang pedestrian na si Rachelle Hernando Dime matapos itong mahagip ng truck.

Batay sa report ng Nasugbu police, tinatahak ng Isuzu Trailer Truck na minamaneho ni Adesas, ang kahaban ng Tagaytay-Nasugbu highway ngunit pagsapit sa pababang bahagi ng highway sakop ng Sitio Bayabasan, Barangay Aga ay mawala ito ng preno dakong alas-7:00 ng umaga.

Bumulusok ito pababa at sinalpok ang kotse ng pulis at ang naglalakad na pedestrian na agad na ikinamatay ng mga ito.

Nahagip din ng truck ang dalawa pang sasakyan, kabilang ang Toyota Fortuner na minamaneho ng isa ring pulis na si P/SSgt. Cesar Seña, at ang Toyota Wigo na minamaneho ni Jomer Deñoso. Kapwa sugatan din ang dalawa na agad isinugod sa ospital.

Dahil sa bigat ng steel beams na karga ng truck, tuluyan itong nawala sa kontrol hanggang sa sumalpok ito sa puno sa gilid ng kalsada na naging dahilan ng pagkamatay ng driver at pahinante nito.

Habang sa Brgy. Coliat sa bayan ng Ibaan, patay ang isang driver nang sumalpok ang minamaneho nitong delivery van sa kasalubong na cargo truck sa national road nitong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ng Ibaan Police ang biktimang namatay na si Norvin Aton habang nasugatan naman ang pahinante nitong si Danny Cruz.

Batay sa report ng pulisya, patungong direksyon ng Batangas City ang Mitsubishi closed van dakong ala-1:00 ng madaling araw nang mag-overtake ito sa isang sasakyan.

Ngunit bago nakabalik sa linya ay inabot ito ng kasalubong na Isuzu cargo tuck na minamaneho ni John Paul Evia.

Dead on the spot si Aton habang isinugod naman sa ospital ang sugatang pahinante at ang nakabanggaang driver. (NILOU DEL CARMEN)

107

Related posts

Leave a Comment