KAMPANYA SA ‘YES VOTE’ SA HUC NG SJDM SINIMULAN

UMARANGKADA na ang pangangampanya ng mga opisyal ng San Jose Del Monte, Bulacan sa “Yes vote” para sa pagiging ganap na Highly Urbanized City nito.

Sina San Jose del Monte City, Mayor Arthur Robes at Cong. Florida Robes ng Lone District ng siyudad ay pinangunahan ang kampanya kasabay ng 8th annual celebration ng city-wide Tanglawan Festival.

Nanawagan ang mga ito na suportahan ang plebisito para maging Highly Urbanized City ang SJDM.

Ayon kay Cong. Robes, kung nais ng kanyang mga kababayan na maging ganap na Highly Urbanized City ang kanilang siyudad ay bumoto sila ng YES sa plebisito na nakatakda sa October 30, 2023.

Binigyang-diin ng Lady solon na tama lamang na ipabatid sa mga San Josenos’ na umaasa na magkaroon ng maliwanag na kinabukasan sa pagdiriwang ng Tanglawan Festival.

Ayon kay Robes, natutugunan na ngayon ng lungsod ang mga itinakdang parameter upang maging isang “Highly Urbanized City” ang San Jose del Monte.

Siniguro rin ng mambabatas na palalakasin nito ang free education program na sa kasalukuyan ay nasa 6,500 beneficiaries mula sa district 2 ng siyudad.

Plano rin nito na gayahin ang nasabing programa sa district 1.

Nangako rin ang mambabatas na sa sandaling maging highly urbanized city ang San Jose del Monte ay tatlong siyudad ang kanilang i-adopt sa probinsya.

Sa kabilang dako, ipinunto ni Mayor Arthur Robes na ang lungsod ay “higit sa nakatutugon” sa kinakailangang 200,000 na naninirahan at ang lokal na nabuong P250 milyong taunang kita sa nakalipas na dalawang magkasunod na taon.

Samantala, ang 10-day Tanglawan Festival ay nilahukan ng lahat ng sektor ng siyudad mula sa mga senior citizen hanggang sa mga kabataan.

Highlight sa nasabing festival ang Arya-arya street dancing, cultural fashion show na nilahukan ng mga indigenous people, Zumba contest para sa mga elderly, at Unity Walk na nilahukan ng nasa 15,000 na mga residente.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Office nuong 2020, ang San Jose del Monte City ay mayruong populasyon na 651,813 sa 156,871 households.

Ang lungsod ay idineklara bilang Highly Urbanized City ni dating Pangulo Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Proclamation No. 1057 noong Disyembre 2020.

Magkakabisa ito pagkatapos ng ratipikasyon nito sa Oktubre 30.

207

Related posts

Leave a Comment