TEVES CAMP NAKATUTOK SA LEGAL OPTIONS VS ARREST WARRANT

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

TINIYAK ng kampo ni dating Negros Oriental, 3rd District Cong. Arnolfo Teves Jr. na gagawin nila ang lahat ng legal na opsyon laban sa inilabas na arrest warrant.

Ani Atty. Ferdinand Topacio, hindi na nila ikinagulat ang paglalabas ng korte ng warrant of arrest laban kay Teves kaugnay sa kasong pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Alam naman aniya ng kanyang kliyente na hahantong sa pagpapaaresto sa kanya ang kaso. Sa kabila nito, nakahanda naman aniya silang gawin ang mga nararapat na legal na aksyon laban sa pag-aresto.

Ayon kay Topacio, hindi pa nila natatanggap ang kopya ng resolusyon ng Department of Justice (DOJ) na nagkaso kay Teves gayundin ang utos ng korte para sa e-warrant of arrest.

Kaugnay nito, sinabi ni Topacio na pinag-aaralan na nila ang posibleng reklamo laban sa DOJ panel of prosecutors dahil sa pambabalewala aniya sa pagbawi ng testimonya ng sampung akusado na nagtuturo kay Teves bilang mastermind sa Degamo killing.

Dahil sa arrest warrant ay posibleng lalong hindi mapapauwi sa Pilipinas si Teves.

Kamakailan, nagpahayag ng buong suporta si Teves Jr. sa P71.91 bilyon budget para sa Supreme Court (SC) at mga subsidiary court nito sa pagsasabing kailangan ng bansa ang isang matibay at maaasahan at malayang hudikatura.

“Sa isang lipunang pinamamahalaan ng mga pinuno na may kaduda-dudang nakaraan at malalim na mga karakter at napapaligiran ng mga taong may mapanlinlang na motibasyon, ang huling pag-asa ng mga tao para sa katarungan ay isang malaya, maaasahan at hindi masasagot sa sistema ng hudisyal,” ani Teves.

132

Related posts

Leave a Comment