KASO VS 9 PULIS-CAVITE SA HULIDAP, TINIYAK

CAVITE – Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police na mahaharap sa administrative at criminal case ang siyam na miyembro ng Cavite PNP na sinasabing nagtanim ng ebidensiya at nagnakaw sa sinalakay nilang bahay ng isang 67-anyos na dating propesora.

Ayon sa ulat na ipinarating sa Camp Crame, nakahanda na ang kasong administratibo at kriminal laban sa dawit na mga pulis na una nang sinibak sa puwesto kasama ng hepe ng Imus, Cavite Police.

Sinibak sa pwesto ng Police Regional Office Calabarzon, ang 9 na miyembro ng Cavite PNP na inakusahang puwersahang pumasok sa bahay ng isang dating propesora sa Imus, Cavite na sangkot umano sa ilegal na droga.

Ni-ransack at tinangay pa umano ng mga pulis ang ilang mga gamit sa bahay at pera bukod pa sa akusasyong tinaniman nila ng ebidensiya ang matandang babae.

Sa report sa Kampo Crame ni PRO Calabarzon Regional Director Police BGen. Carlito Gaces, kabilang sa inalis sa pwesto ang team leader ng Station Drug Enforcement Unit na si Police Major Alexes Tuazon.

Dinis-armahan na umano at inilagay ang grupo ni Tuazon sa Provincial Administrative and Resource Management Unit habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang PRO Calabarzon.

(JESSE KABEL)

197

Related posts

Leave a Comment