LADY FISCAL PATAY SA PAMAMARIL

DAVAO DEL SUR – Patay ang assistant provincial prosecutor ng Davao Occidental matapos barilin sa loob ng kanyang sasakyan sa Chapter 8, Tienda, Brgy. Aplaya, Digos City sa lalawigan noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang biktimang si Eleanor Polancos Dela Peña, 54-anyos.

Ayon sa report ng Digos City Police, nagmamaneho ang biktima ng kanyang Ford Raptor pickup malapit sa kanyang tahanan, nang barilin sa ulo ng hindi kilalang suspek.

Idineklarang dead on the spot ang biktima ng nagrespondeng mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Council.

Agad namang naglunsad ang Digos City Police ng hot pursuit operation upang mahuli ang suspek at matukoy ang motibo sa krimen.

Mariing namang kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang brutal na pagpatay kay Dela Peña, na dating presidente ng IBP-Davao City.

Ayon sa IBP Davao City chapter, hindi sila titigil sa paghahanap ng hustisya hanggang ito ay makamtan.

Samantala, sinabi ng IBP Eastern Mindanao, ang malagim na pagkamatay ni Dela Peña ay isang mabigat na dagok sa integridad ng sistema ng hustisya.

Hinimok din nila ang mga awtoridad na palakasin ang mga hakbang sa proteksyon para sa mga miyembro ng legal profession na humaharap sa lumalaking banta sa kanilang kaligtasan at buhay. (NILOU DEL CARMEN)

45

Related posts

Leave a Comment