(NI JG Tumbado)
HINDI inalintana ang seguridad ng isang grupo ng Lumad nang magsagawa ito ng kilos-protesta laban sa New People’s Army (NPA) sa Koronadal City Miyerkules ng umaga.
Bunsod nito ay kinilala ni Lt. Col. Harold M. Cabunoc, commander ng 33rd Infantry Makabayan Battalion-Philippine Army, ang tapang na ipinamalas ng grupo sa kabila ng tiyak na kapahamakan mula sa NPA.
Ang aksiyon ng Lumad ay isinabay sa ika-50 taong anibersaryo sa pagkakatatag ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ayon kay Cabunoc, nag-aalsa kontra sa komunistang grupo ang tribal leaders na pinangunahan ng lider ng Lumad na si Bai Nenita Billones at Ka Jason, na isang dating rebeldeng miyembro ng NPA.
Umabot sa 50 na mga Lumad ang nagsisigaw sa galit dahil sa panlilinlang ng front organization na Kaluhamin para ang tribo ay sumampa sa armadong grupo.
Kasama sa inirereklamo ng mga Lumad ay ang pagkamatay ng mga kapwa Lumad sa mga engkwentro dahil sa pagsampa nila sa komunistang terorista.
269