(NI JG TUMBADO)
SAMU’T SARING mga armas at pampasabog ang nakumpiska ng mga awtoridad makaraang salakayin ang isang mansion ng dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr.
Armado ng search warrant sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o illegal possession of firearms and ammunition at Republic Act 9516 o illegal possession of explosives ay pinasok ng mga operatiba mula sa Regional Mobile Force Battalion, Municipal police station ang mansion ng mga Ampatuan sa Barangay Satan sa bayan ng Shariff Aguak, alas 6:00 ng umaga ng Miyerkoles.
Ayon kay Maguindanao Provincial Police Office Director Senior Superintendent Ronald Briones, ang naturang mansion ay nasa 500 metro lamang ang layo mula sa kampo ng 601st Infantry Brigade-Philippine Army.
Nasamsam ng pulisya ang dalawang rifle grenade projectiles at nasa 240 piraso ng bala na ginagamit sa M16 armalite rifles. Nabigo naman na madakip ang anim na lalaki na siyang target ng naturang operasyon.
Nakilala ang tinutugis na mga suspek na sina Kamsa Salik, Kuryano Usop, Babai Mama Usop, Nasri Salik, Benjar Salik, at Pangandaman Salik.
Sinabi ni Briones na ang nabanggit na mga suspek ay kabilang sa private army ng namayapang dating gobernador, para bantayan ang mansion at kanyang mga anak.
Si Ampatuan Sr. ay isa sa mga akusado sa malagim na Maguindanao massacre kung saan nasa 58 indibidwal kasama ang 32 mamamahayag ang walang-awang pinagbabaril at ibinaon pa sa lupa ang kanilang bangkay gamit ang isang backhoe.
Namatay si Ampatuan Sr sa edad na 74, sa National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City noong July 2015 bunsod ng atake sa puso.
Patuloy pa rin ang malawakang manhunt operations laban sa mga suspek.
193