Nang-agaw ng baril SUSPEK SA RAPE SLAY SA BATANGAS, PATAY

NAPATAY ng mga pulis ang suspek sa panggagahasa at pagpatay sa 6 taong gulang na babaeng si Angel sa Bauan, Batangas matapos umanong tangkain na agawin ang baril ng isa sa mga police escort pagkagaling nila sa piskalya nitong Lunes ng hapon.

Ayon sa report ng Bauan police, bandang ala-1:15 ng hapon, ibabalik na sa presinto sa Bauan ang 23-anyos na suspek na si Joefel Maranan matapos masampahan ng kaso sa prosecutors office sa Brgy. San Antonio sa bayan ng San Pascual.

Humingi muna umano ito ng tubig sa mga pulis subalit nang aktong umiinom na ay biglang dinaklot ang baril ni Cpl. Michael Agulio.

Nagkaroon ng komosyon at nag-agawan sa baril hanggang sa mabaril ito ng isa sa mga pulis.

Nasaktan din sa balikat ang pulis na si Agulio at isinugod sa ospital.

Si Maranan ay sinampahan ng kasong rape with homicide matapos umano nitong gahasain ang biktima noong nakaraang January 24. Matapos mahuli nitong Sabado, inamin ng suspek ang krimen at humingi ng tawad sa magulang at mga kaanak ng biktima. (NILOU DEL CARMEN)

51

Related posts

Leave a Comment