(NI BONG PAULO/PHOTO BY EDD CASTRO)
ISINAILALIM na sa state of calamity ang buong lalawigan ng North Cotabato.
Ito ang sinabi ni Vice Governor Shirlyn ‘Neneng’ Macasarte, batay naman sa rekomendasyon ng tanggapan ni Cotabato Governor Emmylou ‘Lala’ Taliño-Mendoza.
Ang deklarasyon ay isinagawa sa regular na session ng Sangguniang Panlalawigan nitong Miyerkoles.
Napag-alaman na umakyat na sa P670, 840, 281 ang pinsalang naidulot ng matinding tag-tuyot sa probinsiya.
Para sa rice damage report, mayroong P362, 999, 674 para sa mais umabot sa P269,071, 035 at sa high value crop ay nasa 38, 769,571.
Samantala, bukod sa mga pananim ay may mga hayop na rin labis na naapektuhan ng tag-tuyot gaya ng kalabaw at kambing.
Kabilang sa mga lugar na matinding naapektuhan ay ang mga bayan ng Alamada, Pigcawayan, Aloesan, Carmen, Kabacan, Libungan, Matalam, Mlang, Pikit at Antipas.
Napag-alaman na noon pang Enero hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakakaranas ng pag-ulan ang probinsiya.
Kaugnay nito naglaan na rin ng pondo si Gov. Lala Mendoza para sa gagawing cloud seeding ng provincial government para maibsan ang nararasang matinding tag-tuyot.
264