(NI JUN V. TRINIDAD)
LUCENA CITY – MAHIGPIT na binalaaan ng militar ang mga kandidato na kakasuhan sila ng pamahalaan kung magbabayad sila ng “permit to campaign” (PTC) fee sa mga komunistang New People’s Army (NPA).
Sa pahayag ni Lt. Gen. Danilo Pamonag, commander ng Armed Forces Southern Luzon Command (SOLCOM), sinabi nito na mahigpit na binabantayan ng mga sundalo ang sinumang kandidato na magbibigay ng PTC fee.
“Ang magbigay at sumuporta sa mga teroristang organisasyon ay labag at pinaparusahan ng batas,” sabi ni Pamonag.
Pinaalalahanan ni Pamonag ang mga kandidato na sila ay naghahangad ng katungkulan sa gubyerno at hindi nararapat na magbigay ng anumang porma ng tulong o suporta sa pamamagitan ng pagsang-ayon sa ginagawang pangingikil ng NPA.
Binigyang-diin ni Pamonag na ang ginagawang koleksyon ng PTC ng mga komunistang rebelde ay isang porma ng pangingikil.
Pinayuhan ni Pamonag ang mga kandidato na agad ipabatid sa mga sundalo o kapulisan sa oras na may manghingi sa kanila ng PTC fee.
385