RoRo TUMAGILID, 126 PASAHERO NASAGIP

roro

(NI CARL REFORSADO)

NASAGIP ng Philippine Navy ang aabot sa 126 na pasahero at crew ng isang cargo vessel matapos itong muntik lumubog sa dagat at ma-stranded ng halos dalawang oras sa Camotes island sa Carmen, Cebu Sabado ng hapon.

Ayon kay Lt. Commander Danish Ruiz, acting commanding officer ng ng BRP Alfredo Peckson ng Philippine Navy, nagmula ang M/V Melrivic 2 sa Pingag Ferry terminal sa bayan ng Isabel, Leyte patungo sana ng Danao City sa Cebu.

Dakong alas 11:30 ng tanghali nang matanggap ng Philippine Navy and distress call mula sa M/V Melrivic dahilan upang agad silang rumisponde at doon nila natagpuan ang palutang-lutang na shipping vessel sa karagatan sakop ng San Francisco sa Camotes island.

“Medyo tagilid na slight nang konti yung barko. So we decided to get the passengers as soon as possible,” pahayag ni Ruiz sa statement ng Philippine Navy.

Katulong din ng Philiipine Navy ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagsaklolo sa mga stranded na pasahero na patuloy na naglilimas ng tubig sa barkong nagsisimula nang mapuno ng tubig.

Dakong alas 3:15 ng hapon nang ilipat ang mga pasahero at crew nang nabalahaw na M/V Melrivic sa Navy vessel kung saan agad na binigyan ng mga medical assistance.

Base sa salaysay ng mga pasahero, nagkaroon umano ng problema ang sinasakyan nilang vessel sa steering wheel dahilan upang tumagilid ito at muntikan ng lumubog.
Bukod sa mga pasahero at crew ng barko ay mayroon ding lulan na 14 na malalaking sasakyan at dalawang motorsiklo ang M/V Melrivic.

Matapos masaklolohan ay agad dinala ang mga pasahero at crew sa Naval Forces Central (Navforcen) headquarters sa Naval Base Rafael Ramos sa Lapu-Lapu City, Cebu.

 

178

Related posts

Leave a Comment