SINIMULAN nang tutukan ngayon ng Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) ang pagsikad ng campaign period sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO regional director Brigadier General Anthony Aberin, titiyakin ng PNP-NCRPO ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa Metro Manila ngayong nagsimula na ang kampanyahan para sa mga lokal na kandidato na magtutunggali para sa 17 mayoral post at 33 congressional seat sa nalalapit na May 2025 midterm polls.
Sisiguraduhin din umano ng pulisya na magiging ligtas at mapayapa ang mga pagpupulong ngayong panahon ng kampanyahan sa Kalakhang Maynila hanggang sa aktuwal na botohan at bilangan ng mga boto at maiproklama ang mga nagwagi sa halalan.
Magkakaroon din ng dagdag na presensya ang mga pulis sa mga matataong lugar, mga campaign rally site at iba pang pampublikong pagtitipunan sa Metro Manila, kabilang ang lungsod ng Maynila.
Nabatid na inaasahang jampacked ang proclamation rally ng Asenso Manileño ngayong Biyernes ng Gabi.
Sinasabing magiging show of force ng dominanteng ruling party na Asenso Manileño ang magaganap na proclamation rally nila sa Maynila.
Inaanyayahan ni Atty. Princess Abante, spokesperson ni Manila mayor Honey Lacuna at hepe ng Manila Public Information Office (MPIO), ang publiko at ang media upang saksihan ang makasaysayang pagtitipon.
Sa kanyang pagsasalita sa Balitaan ng Manila City Hall Reporters’ Association, suportado ng kauna-unahang babaeng alkalde ng kabisera ng bansa na muling tatakbo para sa ikalawang termino ang malinis, maayos mapayapa at kapanipaniwalang eleksyon.
Napagalaman na matapos ang banal na Misa, opisyal na ilulunsad ang kampanyahan dakong alas-6:00 ng gabi onward sa Earnshaw Street sa distrito ng Sampaloc.
Ito ang distrito kung saan nagsimula ang karera sa politika ni Lacuna bilang city councilor mula 2004 hanggang 2013, kung saan nagpamalas siya ng kahusayan nang maging siya ang kauna-unahang babaeng majority floor leader hanggang sa first woman presiding officer nang siya ay maging kauna-unahan ding Vice Mayor ng Maynila.
(JESSE KABEL RUIZ)
