NAGBABALA si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga pulis na may paglalagyan ang mga ito kapag nangotong sa mga vendor kapalit ng pabor para makapagtinda sa ipinagbabawal na lugar at sa daluyan ng mga sasakyan.
Sa kanyang live broadcast, partikular na binalaan ng alkalde ang isang nagngangalang ‘Bekbek’ na siyang nasa likod ng operasyon ng illegal vendors naging dahilan ng ‘obstruction’ sa mga kalye na
nauna nang nilinis ng pamahalaang lungsod.
“Baka akala ninyo pandemya, ‘pag nakatalikod ang gobyerno sige kayo. Kayo mga Eddie ha, meron pa ‘kong naririnig diyan ‘Bekbek,’ sige. Pasensiyahan tayo… sinabi ko na sa inyo, sa mga pulis na
malalaman ko na patong sa vendor o sa obstruction, dito ko kayo ipakikilala (live broadcast),” pahayag ng alkalde
“Uulitin ko… magtino kayo. Ang dami nang problema. Ako, naniniwala ‘di yan mag-e-exist… alam mo nang bawal, me obstruction, wala kang ginawa? Isang bagay lang ‘yan. Nasa mabuting ‘cash-
unduan’ ‘yan at ‘ma-boteng’ usapan. Wala tayong tolonggesan, ” dagdag pa ng alkalde.
Ang babala ng alkalde ay makaraang magsagawa ng clearing operations ang mga tauhan ni Department of Public Services (DPS) chief Kenneth Amurao nitong weekend kung saan ‘winalis’ nila
ang illegal vendors sa Juan Luna St. na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitinda dahil ito ay pangunahing kalsada.
Ayon pa sa alkalde, hindi magkakaroon ng lakas ng loob ang mga vendor na suwayin ang reglamento ng lungsod kung walang basbas ng pulis na siyang nakasasakop sa nasabing area napinupwestuhan ng mga manininda.
Binigyang diin pa ng alkalde, may mga kalye na nilinis na sa mga vendor ang hindi talaga puwedeng puwestuhan o ‘non-negotiable’. Ito ay ang Juan Luna, Soler, buong Recto, Binondo side, Carriedo,
Paz, A. Linao, Pedro Gil, Taft Avenue at ang kahabaan ng Blumentritt na sakop ng MPD-Station 3.
“Di po tayo titigil kahit pailan-ilan, kukunin natin ‘yan (obstruction) dahil sa pag-abuso ng mga me tindahan. Pagpasensiyahan n’yo na, wala tayo magagawa,” aniya pa.
Akala n’yo abala kami sa paghuli ng mga kriminal at sa COVID ha.
Ang kaayusan sa lungsod kailangan ay certain…tuloy-tuloy ang polisiya,” dagdag pa ng alkalde.
Samantala, pinasalamatan ng alkalde ang team ni Amurao sa pursigidong kampanya nito na linisin ang mga ‘non-negotiable’ na kalye sa illegal vendors. (RENE CRISOSTOMO)
