IGINIIT ng kinatawan ng kababaihan sa Kamara na gawing regular ang seminar at training sa mga public transport driver upang matigil na ang sexual harassment na nararanasan ng mga babaeng pasahero.
Inirekomenda ito ni Gabriela party-list Rep. Sarah Elago matapos mabahala sa sexual harassment na naranasan ng isang pasahero sa driver ng ride-hailing company na Green and Smart Mobility Philippines, Inc.
“Lubhang nakakabahala ang insidenteng ito. Walang pasaherong dapat makaranas ng pananakot o pangha-harass. Dapat tiyakin na masinsinan at malinaw ang imbestigasyon at may mananagot,” ani Elago.
Sinabi ng mambabatas na dapat itong imbestigahan at patawan ng parusa upang magsilbing aral sa iba.
Nais ni Elago na magkaroon ng regular na training ng lahat ng public transport drivers ukol sa mga batas na pumuprotekta sa mga pasahero partikular ang kababaihan na nakararanas ng pangha-harass sa mga abusadong tsuper.
“Kailangang gawing obligado at regular ang anti-sexual harassment, ‘bawal bastos,’ at gender-sensitivity training para sa drivers, riders, operators, at public transport sector,” paliwanag pa ni Elago.
Hindi rin umano dapat makalusot ang gobyerno at maging ang mga pribadong kumpanya sa pananagutan kapag nasangkot sa pangha-harass ang mga driver.
“Dapat ligtas ang mga pampublikong transportasyon. Pananagutan ito ng estado at ng mga kumpanyang kumikita mula rito,” ani Elago.
(BERNARD TAGUINOD)
50
